Mga pagkain na mabuti sa kalusugan
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga sumusunod na pagkain ay malaki ang maitutulong para maging mabuti ang kalusugan:
1. Gulay at prutas – Masustansiya ang lahat ng gulay tulad ng pechay, kangkong, ampalaya, malunggay at marami pang iba. Mabuti ito sa tiyan, bituka at sa buong katawan. May taglay itong fiber, bitamina at minerals. Masustansiya rin ang mga prutas tulad ng saging, mansanas, pakwan at iba pa. Huwag lang dadamihan ang pagkain ng prutas dahil may asukal din ito na puwedeng makataba kung sosobra ang kakainin.
2. Mani, beans at tokwa – May taglay na protina ang mani at beans. Napakaganda nito sa katawan. Ang protina mula sa mani at beans ay mas masustansya kumpara sa protina mula sa baboy at baka. Kung hindi naman napatunayan na mataas ang uric acid ninyo sa dugo ay puwede kayong kumain ng mani at beans.
3. Isda – May taglay na omega-3 fatty acids ang isda na makatutulong sa puso at utak. Ang mga taong umaabot sa edad 100 ay mahilig kumain ng isda, mani, beans at gulay. Mas masustansiya ang protina ng isda kumpara sa baboy at baka.
Narito ang mga pagkaing puwedeng kainin ng katamtaman lamang:
1. Kanin, tinapay, pansit at spaghetti – Puwedeng kumain nito pero huwag dadamihan.
2. Manok – Mas masustansya ang nilagang manok kumpara sa nilagang baboy o baka. May benepisyo sa may sakit ng trangkaso, sipon at lagnat.
Narito ang mga pagkaing dapat iwasan o limitahan:
1. Baka at baboy (kasama ang lechon, crispy pata, bulalo at pata tim) – Napatunayan na nang maraming pagsusuri na masama ang taba ng baboy at baka. Puwede itong magdulot ng atake sa puso, istrok at kanser.
2. Processed meat tulad ng hotdog, bacon, ham at salami – Bukod sa lamang baboy at baka, hindi maganda ang mga preservatives na ginagamit sa mga pagkaing ito.
3. Lamanloob – Mataas sa kolesterol at posibleng hindi malinis ang mga pagkaing ito. Ang bituka ng hayop ay daanan ng dumi kaya nararapat sanang iwasan.
Narito naman ang mga pagkain na nagpapahimbing ng tulog:
1. Saging – Ang saging ay may tryptophan at carbohydrates na makatutulong sa paggawa ng serotonin. Ang serotonin ay nagpaparelaks sa atin. Nababawasan din ang stress.
3. Kamote – Ang kamote ay may masustansiyang “complex carbohydrates”. Hindi ito gaanong nagpapataas ng asukal sa dugo. Mayaman din ang kamote sa fiber, vitamins B6, C and E, folate at potassium.
4. Oatmeal at cereals – Sa gabi, puwede naman hindi mag-kanin paminsan-minsan. Subukan ang 1 bowl ng oatmeal o cereals sa hapunan. Ang oatmeal ay may vitamin B6 at melatonin na makatutulong sa pagtulog mo. Puwede mo lagyan ng saging at gatas na masustansya din.
5. Gatas – Ang gatas ay may tryptophan na nagpapabilis para antukin. Ang tryptophan ay nagiging serotonin sa katawan at ito ang nagpapasaya at nagpapa-relaks sa atin.
6. Chamomile tea – Ang mainit na chamomile tea ay mabisang pampatulog. Mabuti ito sa tiyan. Pinapa-relaks ang stomach muscles, at may amoy na nagpapakalma rin.
7. Gulay at isda – Mabuting kainin bago matulog dahil madaling matunaw ang mga ito. Mababawasan din ang sintomas ng hyperacidity at GERD (Gastro-esophageal Reflux Disease).
Payo: Pagkatapos kumain sa gabi, maglakad-lakad muna ng 10-15 minuto. Ito’y para matulungan ang katawan sa pagtunaw ng kinain. Makaiiwas sa sakit tulad ng bangungot syndrome at mas hihimbing ang pagtulog.
- Latest