Kailangan nang tugunan
Ayon sa ilang mekaniko, delikado ang pagkabit ng modified na tambutso pang motorsiklo. Bukod umano sa nagiging malakas sa gasolina, madaling makasira raw ng makina.
Nagiging uso sa mga scooter at motorsiklo ang pagpalit ng mas maingay na tambutso para umano’y pabilisin ang takbo.
May mga iba naman na sinasagad o binobomba ang motorsiklo para lumikha ng pagputok na tunog. Hindi ito ipinapayo ng mga mekaniko dahil napupuwersa lamang ang makina.
Maraming video sa social media ang lumalabas na kung saan nagliliyab o pumuputok ang makina matapos ang pagbobomba nito.
Ilang beses na rin ako nagsusulat hinggil sa mga maiingay na tambutso ng motorsiklo pati na rin ng mga pampubliko at pribadong sasakyan.
Sa aking pagkakaalam, may mga ordinansa sa halos lahat ng lungsod at munisipalidad tungkol sa ipinagbabawal na paggamit ng mga maiingay na tambutso o open muffler.
Ngunit tulad nang maraming iba pang batas at ordinansa, hindi ito ipinatutupad ng PNP at mga lokal na pamahalaan. Mayroon ding mga pampublikong sasakyan na may nakababasag-taingang ingay ng tambutso partikular ang mga jeepney.
Hindi naman sila sinisita ng PNP, traffic enforcer o lokal na pamahalaan.
Sino ang gustong makarinig ng mga maingay na muffler sa gabi kapag kailangan nang magpahinga, at kapag kailangan ng mga estudyanteng matulog?
Ang polusyon sa ingay ay isang bagay na kailangang tugunan ng gobyerno. Hindi kailangang gamitin ang mga maingay na muffler na ito sa pang-araw-araw na sasakyan.
Mauunawaan ko kung nakakabit ito sa mga kinakarerang sasakyan na itinatakbo sa tamang takbuhan tulad ng racetrack. Ngunit ang pagkabit nito sa isang scooter na ginagamit bilang courier o delivery service ay ganap na walang kapararakan.
Mas napapabilis pa ang takbo ng mga motorsiklo para lang marinig o iparinig ang kanilang maiingay na tambutso. Sabihin nang pagyayabang ito.
At kung pagyayabang din lang ang pinag-uusapan, naipagbigay-alam sa akin ang nagaganap sa Marilaque highway. Ginagawang mistulang karerahan ang nasabing highway.
Mabilis na nagpapatakbo ang mga rider at pagdating sa mga kurbada ay matarik na hinihiga ang motorsiklo na tila ginagaya ang mga propesyonal na karera.
Marami nang video ng mga scooter na bumabagsak sa mga kurbada dahil wala namang propesyonal na pagsasanay na gawing ihiga ang motorsiklo.
Para bang ang maingay na tambutso ay awtomatikong ginagawang propesyonal na magkakarera ang rider.
Minsan may nadadamay pang ibang tao at sasakyan na walang kamalay-malay. May mga namatay na rin. Ilang bahagi ng Marilaque ang nababantayan ng PNP at hinuhuli ang mga mabibilis magpatakbo, mga hinihiga ang motorsiklo at walang suot na helmet.
Ang mga tao na rin ang dapat sisihin sa mga aksidenteng ito. Malaking bahagi ng pagmamaneho nang mabilis at paghiga ng motorsiklo ay pagpapakitang gilas. Kung walang mga tao, walang magyayabang.
Sa patuloy na dumaraming bilang ng mga scooter at motorsiklo sa kalsada, ang isyu nang maingay na tambutso at pagpapatakbo nang mabilis sa highway ay dapat matugunan ng gobyerno upang matiyak ang ligtas na pagmamaneho.
- Latest