77% ng Pilipino lalaban;paano dapat maghanda
PITUMPU’T PITONG porsiyento ng Pilipino ay lalaban para sa bayan. Resulta ‘yan ng survey tungkol sa galit ng madla sa pambubusabos ng China sa West Philippine Sea.
Ngayon pa lang dapat nang maghanda para sa labanan. Kung hindi magbago ang China, tiyak na magkakadigmaan.
Ugali ng Communist China labagin ang batas ng mundo. Ninanakaw ang yamang-dagat ng Pilipinas, Brunei, Indonesia, Malaysia, Vietnam, Korea at Japan. Winawasak ang mga bahura nila. Pinapasok ng Chinese Navy at Coast Guard ang exclusive economic zones nila.
Ano ang mga dapat na paghahanda natin?
Isang paraan ay ang pagsapi ng mga propesyunal sa Armed Forces reserves. Bukas ito sa mga doktor, nars, enhinyero, abogado, guro, negosyante, atbp. Hahasain sila sa military operations, logistics at intelligence. Momobilisahin sa rescue at rehabilitasyon kung may sunog, bagyo, baha, lindol, o pagsabog ng bulkan.
Ang mga estudyante ay maaring sumapi sa ROTC, or Reserve Officer Training Corps. Pagsasanay ito para maging reservist.
Magbasa, makinig, manood ng balita. Analisahin ang kahulugan. Linangin kung batay sa datos at katotohanan. Ilantad ang propaganda ng Communist China; halimbawa, ang kabulaanan nito na sa kanila ang buong South China Sea noon pang sinaunang panahon dahil sa imbento nilang nine- o ten-dash line.
Patatagin ang loob ng kapwa. Ipabatid na ang lakas natin ay nasa pagkakaisa. Malaki nga at moderno ang militar ng China pero madadaig ‘yan ng kagitingan at talino ng Pilipino. Mas maliit ang Vietnam kaysa Pilipinas, pero tinalo nito sa giyera ang China nu’ng 1979.
Higit sa lahat manalig sa Diyos. Walang Diyos ang China.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest