EDITORYAL - Kampanya vs single-use plastics ipatupad na
Ngayong Enero ay ginugunita ang “Zero Waste Month”. Hangarin na walang basura kahit saan. Kailangang malinis ang kapaligiran. Napakaganda kung maipatutupad ito. Sino ba naman ang hindi masisiyahan kung walang basura.
Pero malayo pang mangyari ang ganito sa Pilipinas sapagkat hanggang ngayon, namumutiktik pa rin sa basura ang maraming lugar partikular na ang mga estero, kanal, ilog at maski ang dagat. At nakapanghihilakbot na pawang plastic na basura ang nakalutang. Bagama’t may mga ginagawang paglilinis sa mga estero at sapa sa Metro Manila, marami pa ring umaapaw na basurang plastic.
Plastic pollution ang isa mga problema ngayon nang maraming bansa, kabilang ang Pilipinas. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa Southeast Asia na malakas mag-produce ng basurang plastic at ang mga ito ay humahantong sa karagatan. Sinisira ang kalikasan at nagiging dahilan ng kamatayan ng mga lamandagat. Nang maupo si President Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, binanggit niya ang problema tungkol sa plastic pollution. Nangako siya na tutulong sa paglilinis sa mga karagatan na hinahantungan ng mga basurang plastic.
Wala nang control sa paggamit ng mga supot na plastic o ang single-use plastic. Kahit pa may batas o ordinansa sa mga bayan at lungsod, na bawal gumamit ng plastic, hindi rin ito naipasusunod. Wala kasing batas na nagbabawal na gumawa ng mga supot na plastic gaya ng sando bags.
Ang mga plastic na ito ang bumabara sa drainages kapag panahon ng tag-ulan. Umaapaw ang kalsada sa baha sapagkat walang madaluyan. Maraming taon ang bibilangin bago tuluyang mawala ang bara. Hindi natutunaw ang mga plastic. Kahit magsagawa pa ng paglilinis ang Metro Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways sa mga imburnal, balewala rin sapagkat pagtalikod nila, magtatapon na naman ang mga walang disiplinang mamamayan. Walang pakialam kung dumumi man ang kapaligiran.
Ayon sa DENR-Environmental Management Bureau data, 12 porsiyento o 7,090 metrikong tonelada ng kabuuang basura na nakokolekta araw-araw ay plastic. Nagpanukala ang DENR na kailangang magsagawa ng mga pananaliksik kung anong bagay o produkto ang dapat ipapalit sa single-use plastics. Sa Thailand, hindi na sila gumagamit ng plastic para lalagyan ng produkto. Dahon ng saging ang kanilang ginagamit. Ipinanukala naman ng Department of Finance na buwisan ang single-use plastics para kumita ang pamahalaan.
Lahat ito ay maaring subukan. Pero mainam na magkaroon nang mahigpit na kampanya kung paano maitatapon nang maayos ng mamamayan ang mga plastic upang maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran. Ipatupad ang recycling ng basura.
- Latest