Huwag kumain nang sobra
Ang pagkain ng labis ay masama dahil nahihirapan ang mga bahagi ng katawan na tunawin ito. Dodoble ang trabaho ng atay, pancreas, bato at puso dahil sa sobrang dami ng kinain. Tataas din bigla ang blood sugar. Kapag labis ang kinain na karne, marami ring dumi (free radicals) ang ilalabas.
Kaya ipinapayo ng eksperto ang pagkain ng “high nutrient at low calorie diet.” Ang ibig sabihin, mataas sa nutrisyon ang dapat kainin pero mababa naman sa calorie.
Para matupad ito, subukang kumain nang mas maraming gulay, isda, prutas, beans, tofu, taho at tokwa. Bawasan ang karneng baka at baboy, matatamis na inumin at matatabang pagkain. Limitahan din ang pagkain ng kanin. Kalahati o 1 tasang kanin lang bawat kainan pero damihan ang gulay at prutas. Kung mababawasan ng 10 percent ang kinakain, puwede na.
Payo ko rin ang pagkain ng 5-6 na beses sa isang araw pero pakonti-konti lang. Ang isang saging, mansanas at pandesal ay puwedeng pangmeryenda na. Sa ganitong paraan, dahan-dahan ang pagpasok ng nutrisyon sa katawan. Maginhawa ito sa mga organ ng katawan.
Ganito ang ginagawa ng mga taga-Okinawa, Japan kaya marahil humahaba ang kanilang buhay. Gayahin natin sila. Huwag magpakabusog.
- Latest