Hindi sana inalis mga makabuluhang gamit sa classroom
Nabasa ko ang inyong editorial kamakailan ukol sa kautusan ni Vice President at DepEd secretary Sara Duterte na pinatanggal lahat ng mga dekorasyon, mga nakasulat na abakada, English alphabet, kawikaan, kuwadro ng Presidente, at maski ang mga images ng Diyos ay pinatanggal na rin. Ayon sa kautusan (DepEd order No.) ang mga nakakabit na dekorasyon ay nakakasagabal sa pagpokus ng mga estudyante sa kanilang aralin. Nagiging madilim at marumi rin umano ang mga silid-aralan dahil sa kung anu-anong dekorasyon at mga tarpaulin na nakakabit sa dingding at maski isa blackboard. Hindi umano ito maganda at nakasasagabal sa pag-aaral. Kailangang maging maaliwalas ang classroom para maginhawa ang pag-aaral.
Hindi ako sang-ayon sa ginawang pagtanggal sa mga nakakabit o nakadikit sa classroom. Matagal nang panahon, nakamulatan ko na ang mga maayos at malinis na classroom na may mga kaakit-akit na dekorasyon. Pinagaganda ng teacher ang kanilang silid-aralan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kaakit-akit at makukulay na larawan.
Ako ay nag-aral sa public school mula elementarya hanggang high school at wala naman akong nalaman na nakaka-distract ang mga nakakabit na dekorasyon sa mga silid aralan. Wala rin akong nalaman na may mga hindi nakapasa dahil hindi sila nakapokus sa aralin bunga nang mga nakadikit sa dingding.
Sang-ayon naman ako sa ginawa ni VP Sara na ang kanyang nakasabit na picture sa isang school sa Davao del Norte ay binaklas niya. Humanga ako sa kanya dahil sa ginawa niya. Dapat lang naman talaga na ang mga naka-framed picture ng pulitiko ay hindi idinidispley sa classroom.
Hindi naman dapat inalis ang mga nakasulat na English alphabet at ang ABAKADANG Pilipino na karaniwang nakakabit sa gawing itaas ng pisara. Sana, iniwan ang mga ito. Pati na rin ang mga kasabihan at salawikain ay hindi sana inalis dahil mahalaga ang mga ito sa paghubog ng kaisipan ng mga bata lalo ang nasa kinder.
Ngayong wala na ang mga mahahalagang qoutation o kasabihan, wala nang maglalarong magandang kaisipan sa mga bata.
Hindi sana nagmadali sa pagtanggal sa mga gamit sa classroom. —MRS. AUREA PINDA, Project 6, Quezon City
- Latest