Diborsiyo sa Pilipinas malapit na?
Baka hindi nalalaman ng nakakarami: Ang Pilipinas na lang, maliban sa Vatican, ang natatanging bansa sa buong mundo na wala pang diborsiyo.
Sa tagal ng panahon na ako ay mamamahayag, ang isyu ng diborsiyo ay pinag-uusapan at tinatalakay tuwing may bagong administrasyon sa gobyerno. Depende na sa opinyon at paniniwala ng nakaupong presidente, ang usapan ay uusad o hindi uusad sa lehislatura. Kapag naman nakalusot sa lehislatura ang talakayan, at umandar sa mga komite, sa lahat ng pagkakataon, ang panukalang batas ay namamatay – o sadyang pinapatay.
Kilala nang idinadahilan ang takot sa boto ng Katoliko (85% ng populasyong 105 milyong katao ang Katoliko sa Pilipinas) na sinasabing inuutos ng Simbahan sa pamamagitan ng mga sermon sa misa. Halos lahat ng pulitikong kilala ko ay umaamo rin sa kagustuhan ng grupong El Shaddai o Iglesia ni Cristo na kapwa labag sa paghihiwalay ng mag-asawa. Tinututulan ng ibang kongresista ang diborsiyo, tulad ni Bro. Eddie Villanueva na nagsabing ito raw “ay labag sa panuntunan ng Panginoon”.
Kasama rin sa pagsasabatas ng diborsyo ang sustento o tinatawag na alimony para sa asawa. Sa mga nakikita kong mag-asawang naghihiwalay at hindi pa legal ang hiwalayan, ang dahilan ay ayaw ng lalaking pagpartihan ang kayamanan at ari-arian. Ayaw rin magbigay kooperasyon ng babae minsan. Ayaw nilang ipamigay ng esposo ang pera at mga lupa sa bagong nobya. Kaya heto, Pilipinas na lang ang walang Divorce Law.
Ang nagdala ng Katolisismo sa Pilipinas ay ang España. Pero ang España mismo ang may pinakamadaling pagsasabatas ng hiwalayan. Kung sa ibang bansa ay marami pang pagpapatotoo ng basehan ng paghihiwalay na kailangan, sa Spain ang kailangan lang ay ang petisyon ng isang partido. Hindi na kailangan ng dahilan! Sa Italya, noong 1970 lamang naipatupad ang diborsiyo. Kailangan naman dito ng trial na paghihiwalay ng 6 na buwan at mabibigyan ng papeles kapag kapwa sang-ayon sa opisyal na paghihiwalay ang mag-asawa. Isang taon ang itinatagal kapag hindi pumapayag ang isa.
Sa ngayon naaprubahan na sa lebel ng komite sa Kongreso ang tinawag na Marriage Dissolution Bill o House Bill 100 ni Cong. Edsel Lagman. Sagot ni Lagman sa sinasabi ng tumututol: “Hindi diborsiyo ang sisira sa isang pagsasama. Sira na ang pagsasama, kaya nga kailangan na ng diborsyo”. Sa pagkakaapruba “in principle” ng Marriage Dissolution Bill sa Kongreso sa ngayon, ito na kaya ang pagtutuloy-tuloy tungo sa diborsyo sa tanging bahaging ito ng mundo?
Ito naman ang mga pangunahing dahilan ng mga humahanap ng exit sa kanilang mga pinakasalan: May relasyon sa ibang babae o lalaki. Abusong pisikal o emosyonal. Walang komunikasyon, hindi nag-uusap. Ang mga inaasahan sa relasyon hindi natutupad. Pagkalulong sa mga bisyo. Iba ang estilo at prinsipyo sa pagpapalaki sa anak. Hindi nagtutugma ang mga gusto sa buhay, at sa ugali.
Hindi tunay na pagmamahal ang pundasyon ng pagsasama. Kasinungalingan at panlilinlang. Nawawalan ng sariling pagkatao. Masyadong maraming trabaho liban sa pamilya. Hindi na nagsisiping. Long distance relationship. Pakikialam ng magulang o pamilya ng isa. Selos. Magkaibang lahi at kultura.
Mahirap magsabi kung dapat ba o hindi dapat suportahan ang diborsiyo. Pero dapat din sigurong isipin kung bakit tayo na lang ang wala pang batas laban sa mga pagsasamang wala nang pupuntahan kundi kasamaan.
- Latest