Panawagan kay Mayor Isko
Nananawagan po ako kay Manila Mayor Isko Moreno na sana lahat nang traffic light sa Maynila ay gawin nang digital sa halip na yung lumang sistema pa. Iilan pa lang ang nakikita kong traffic light na digital sa Maynila kaya marami pa ring motoristang matitigas ang ulo ang patuloy na nakikipag-unahan bago mag-red ang ilaw.
Naniniwala ako sa mabuting mayor na didinggin ang aking panawagan sapagkat para ito sa ikadidisiplina ng mga motorista.
Sa aking paniwala, ang digital na traffic light ay mas madaling sundin sapagkat nakikita ng drayber kung malapit na siyang magmenor o magpabagal. Sa lumang sistema, sa halip na magpabagal ang drayber kapag magpupula na ang ilaw ay saka siya nagmamabilis at ang resulta, aksidente.
Sa aking obserbasyon, bihira ang mga aksidente sa traffic light na digital dahil nga nakikita ng drayber na malapit na siyang huminto. Natatantiya ng drayber sapagkat nakadilat ang numero sa traffic light.
Ang nakikita ko pa lang na digital ang traffic light ay sa España Blvd cor. Forbes St., at sa España cor. Maceda. Ang dapat lagyan ng digital traffic light ay ang corner ng Laon Laan at Forbes. Dapat digital din sa kanto ng Legarda at Bustillos St. sapagkat maraming sasakyan na nagdaraan. Dapat ding lagyan ng digital traffic light ang sa may Finance Road patungong City Hall.
Naniniwala ako sa kakayahan ni Mayor Isko at lahat ay gagawin niya para maisaayos ang mga kalye sa Maynila.
Nagawa ni Mayor Isko na malinis ang Divisoria, Carriedo, Rizal Avenue at iba pang lugar kaya alam kong makakaya rin niyang ayusin ang mga traffic light para walang aksidente.
Kapag naisaayos ito ni Mayor Isko, wala nang iba pang mahihiling ang mga motorista sa Maynila. Marami nang masisiyahan sa pagtungo sa Maynila.
Maraming salamat at mabuhay ka Mayor Isko. Maraming salamat din sa Pilipino Star NGAYON. – NUMERIANO BUENAVENTURIA, Miguelin St., Sampaloc, Manila
- Latest