EDITORYAL – Mag-imbestiga muna bago ang peace process
BRUTAL ang pagkakapatay sa mga miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo sa Mamasapano, Maguindanao ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kasama ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ayon sa isang survivor, kahit nakabulagta na ang kasamahan dahil may mga tama, binabaril pa rin ito ng MILF. Ayon pa rin sa nakaligtas, pinagtataga pa ng MILF ang mga pulis. Minasaker ang mga pulis, ito ang sinasabi ng nakaligtas.
Ayon sa report, 44 na SAF members ang namatay at 11 ang nasugatan sa enkuwentro. May hinahabol umanong Malaysian terrorist at isang Maguindanao suspect ang SAF at pumasok sila sa sinasabing teritoryo ng MILF. Nagkaroon ng labanan. Sabi naman ng MILF chief peace negotiator Mohaqer Iqbal, hindi nakipag-coordinate ang SAF sa kanila. Kung nakipag-ugnayan daw ang mga pulis, maaaring hindi raw ganoon karami ang namatay. Nagkulang daw ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa kanila.
Hindi biro ang nangyaring ito na 44 ang namatay sa panig ng SAF. Ito ang itinuturing na pinakamalaking bilang ng mga napatay sa SAF. Unang pagkakataon na nalagasan nang marami ang mga itinuturing na elite forces ng PNP.
Hindi dapat ipagwalambahala ang nangyaring ito. Maraming namatay at sinasabing minasaker ang mga pulis. Ayon sa report, matagal na raw nag-aabang ang BIFF sa lugar at tinulungan pa ng MILF sa pagmasaker sa mga pulis. Ayon sa isang residente, maraming lalaking armado ang nakita nila sa lugar kaya nag-alisan sila sa takot na madamay sa labanan.
Huwag munang pag-usapan ang peace process at sa halip isang imbestigasyon ang isagawa. Kailangang malaman ang katotohanan sa nangyari. Kapag napatunayang minasaker ang mga pulis, ano pang silbi ng pag-uusap. Huwag nang mag-usap at ipagpatuloy na lamang ang pakikipaglaban sa MILF. Mawawalan nang saysay ang pag-uusap kung mayroong hindi sinsero sa kasunduan.
- Latest