^

PSN Opinyon

Ma‘sing-sing(an)’ usapan

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“SINONG nakipagdate sa ibang bansa. Itaas ang mga paa. Yawwwwww.”

Ito ang ‘caption’ sa naka-‘post’ na larawan ni ‘Vandolph ’ sa kanyang FaceBook (FB) habang yakap ng mahigpit ng isang babae sa parke sa HongKong.

“Suot-suot pa ni Tekya ang singsing na bigay ng asawa ko…”ani ‘Baby’.

Resibo mula sa isang ‘jewelry shop’ sa Riyadh na ang nakalagay ‘W.Ring’.

Isa lang ito sa mga papel na nakita ni Francisa Tolosa o “Baby”, 50 taong gulang  sa pitaka ng mister ng minsang kalikutin niya ito.

“Lango siya sa alak kaya’t napakialaman ko wallet niya,” ani Baby.

Gusto man balewalain ni Baby ang papel na nakita, ilang buwan makalipas naglabasan na daw ang mga larawan ng kanyang asawang si Domingo Tolosa Jr., 39 anyos at umano’y babae nito na kinilala niyang si “Tekya”--- Domestic Helper sa bansang Hong Kong.

Sampung taon ang tanda ni Baby sa asawang si Dominggo, “Dayo” kung tawagin ng kanyang pamilya at ‘Vandolph ’ para sa kanyang mga kaibigan.

Taong 2004, nang magkakilala sila sa Antipolo malapit sa simbahan. Tumutulong sa karinderya sa paradahan ng pinsan si Baby. Isa naman si Dayo sa mga drayber na kumakain sa kanila.

‘Chubby’, maputi, singkit at palabiro. May hawig daw sa komedyanteng si Vandolph  ganito sinalarawan ni Baby ang mister.

“Lagi niyang sinasabi sa’kin, ‘Beh, manliligaw ako sa’yo. Parang nakakaloko nung una pero seryoso pala siya,” pagbabalik tanaw ni Baby.

May anak sa pagkadalaga si Baby. Mula daw ng manganak sa edad na 19 anyos hindi na siya nagpaligaw subalit makulit si Vandolph  at napasagot siya.

Nang bumalik siya sa dating trabaho sa A-Frances Healthy Pharma Marketing Inc. at tumigil na sa karinderya patuloy pa rin siyang sinuyo ng lalake.

Naging sila buwan ng Oktubre 2004. Nagpunta sila sa Bicol sa probinsya ni  Vandolph . Dito daw unang may nangyari sa kanilang dalawa.

“Pagluwas namin sa Maynila nagsama na kami at umupa.” ani Baby.

Nabuntis agad si Baby. Hulyo 2005 siya nanganak. Ika-5 ng Enero 2006 kinasal sila ni Vandolph  sa bayan ng Camalig, Albay… sa huwes.

Iniwan nila ang kanilang anak sa Bicol habang nagpatuloy sa kanilang mga trabaho sina Baby sa Maynila.

Hindi kalakihan ang kita ni Vandolph  sa pamamasada kaya’t taong 2008 nagdesisyon itong magtrabaho sa Saudi Arabia bilang company drayber sa Nawras Manpower Services Inc. (Formerly Nawras Manpower Services).

Dalawang taon ang kontrata niya dito subalit nag-‘extend’ ito ng dalawa pang taon. Limang libo kada buwan daw ang perang pinapadala ni Vandolph .

“Maayos naman ang komunikasyon namin nagbago na lang siya nitong huli,” pahayag ni Baby.

Hulyo 2012, nagsimula ng manlamig ang kanyang mister.  Ni ‘birthday’ ng kanilang anak ‘di daw nito naalala. Pilitan na rin ang pagpapadala nito ng sustento.

Oktubre parehong taon, nanghingi ng pera si Baby giit ng mister hindi na siya magbibigay dahil pauwi na siya buwan ng Nobyembre.

Ika-23 ng Nobyembre dapat ang uwi nito sa Pinas subalit walang Vandolph  na dumating. Sinabi ng kanyang bayaw na nasa Hong Kong ito.

Hindi malaman ni Baby ang dahilan kung bakit hindi sa Pinas dumiresto ang mister. Desyembre 7, 2012 pagbalik nito, tumuloy sa hipag na si Melita sa Angono, Rizal. Pagpunta nila dun ng anak wala daw pasalubong, walang perang inintrega sa kanya.

“Binilan lang niya ng dalawang t-shirts ang anak ko, tig 200pesos at kotseng de remote nasa P500 tapos pinakain niya sa Jollibee,” dagdag ni Baby.

Nalaman na lang daw niyang may babae na ito nang magpalit sila ng cellphone. May mga naiwang text daw ang mister, “Wg k n mgpnty dhil mgkikita nmn tau,” text umano ni Vandolph  kay Tekya.

Kinumpronta niya ang mister subalit depensa nito hindi siya nambabae at pumunta siya sa Hong Kong para dun na magtrabaho bilang drayber. Imbis na amuhin inambahan pa daw siya ng suntok ni Vandolph.  

Nang mag-inuman ang mga ito at malasing ang mister, kinalikot ni Baby ang wallet nito. Dito na niya nakita ang resibo ng singsing at resibo ng Western Union kung saan nagpadala si Vandolph ng 580 SR kay Tekya sa Hong Kong.

“Kahit siya na nagkamali, ako pa rin ang sumunod sa gusto niya. Pinauwi niya kami sa Bicol mag-ina,” kwento ni Baby.

Mula Desyembre 11, 2012 nasa Bicol na sila ng anak. May nagbalita na lang sa kanyang susunduin pala ni Vandolph si Tekya mula HongKong. Diretso Baguio daw ang dalawa at saka pumunta sa probinsya ng babae sa Nueva Ecija.

Ayon kay Baby, alam ng babae na pamilyado si Vandolph. Nagkausap pa daw si Tekya at Melita. Sinabi daw nitong ‘wag mag-alala at tutulungan siya sa sustento ng anak nila ni Vandolph.

“Nainsulto ko sinabi ko sa hipag ko. Hindi ko kailangan!” anya ni Baby.

Magpapasko na ‘di pa rin sila inuuwian ng asawa kaya’t bumalik na ng Maynila si Baby at anak.

Enero 2013, nagpunta si Baby sa Public Attorney’s Office, Antipolo at nagtanong ng ligal na hakbang na maari niyang gawin sa pag-aabandona ng mister.

Pinagharap sina Baby at Vanolph ni Atty. Carlo Magno Reonal para sa  isang ‘mediation’. Para makapag-usap silang mag-asawa at ‘di na muna humantong sa kasuhan subalit matigas si Vandolph. Hindi siya nagpakita.              

Tinuloy nila ang pagsampa ng kasong RA 9262 at Child Abuse laban sa mister. Hindi sumipot sa kahit anong pagdinig si Vandolph hanggang makabalik na siya sa Saudi Marso 13, 2013.  

Ika-17 ng Abril 2013, naglabas ng resolusyon si Associate City Prosec. Jennifer De Luman. Nakitaan ng probable cause ang kasong RA 9262 habang ‘lack of evidence’ naman ang para sa RA7610.  

Nagbaba na ng warrant of arrest laban kay Domingo Tolosa Jr., para sa kasong Viol. of Sec.5(i) in rel. Sec. 6(f) of RA 9262 in rel. to Sec. 5 (K) of RA 8369. Gusto malaman ni Baby ang maari niyang gawin para mahuli ang asawa.

Itinampok namin siya sa “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN) SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil nasa ibang bansa itong si Vandolph hindi maaring maipatupad ang ‘warrant of arrest’ dahil nasa Saudi siya. Ang gagawin dito, iuutos ng Judge na maglabas ng Hold Departure Order (HDO) para pagdumating siya sa Pilipinas ‘di na siya makalabas. Maari na siyang hanapin dito lamang dahil hindi na siya makakalusot sa ‘immigration’.

Pinayuhan namin si Baby na bumalik sa kanyang abogado para asistehan siya sa mga ligal na hakbang na ito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th flr CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Magtext sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285/7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

BABY

DAW

HONG KONG

MISTER

SIYA

VANDOLPH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with