^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kawawang Pasig River

Pilipino Star Ngayon

MARAMI nang nagagastos ang pamahalaan at iba pang civic groups para maging malinis ang Pasig River. Kung anu-anong proyekto ang isinasagawa at nagdadaos pa ng mga funrun para makalikom ng pondo at maitustos sa paglilinis ng Pasig River. Gustong maibalik ang kristal na tubig ng ilog at muling mabuhay ang mga isda na lalanguy-langoy doon. Dati raw, may mga naglalaba at naliligo sa Pasig River. Ngayon ay may naliligo pa rin naman sa ilog subalit sakit ang babagsakan sa sandaling umahon. Kung anu-anong dumi ang nasa ilog --- dumi ng tao, hayop, latak ng makinarya at mga pabrika.

Sayang ang pagsisikap at pera na inilaan sa paglilinis sapagkat walang tigil sa pagtatapon ng dumi at basura ang maraming tao, mga kompanya at pabrika. Masangsang ang amoy ng ilog na nagpapasakit sa ulo at sikmura. Hindi maitatago ang amoy ng ilog na umaalingasaw sa maraming bahagi ng Metro Manila. Maraming bayan at lungsod ang dinadaanan ng Pasig River bago makarating sa Manila Bay.

Noong Sabado, nadagdagan na naman ang dumi ng kawawang Pasig River. At hindi lamang basta dumi ang naligwak sa ilog kundi nakapipinsala rin sa kalusugan ng tao. Nagkaroon ng leak ang isang private oil depot sa Pandacan at tumapon sa Pasig River ang laman nitong bunker fuel. Umano’y 44,000 liters ng fuel ang natapon sa ilog. Umalingasaw ang mabahong amoy sa paligid ng Pandacan depot na umabot hanggang sa Sta. Ana at iba pang lugar. May mga dumaing ng pananakit ng dibdib at may mga inatake ng asthma dahil sa sobrang amoy. Kinilala ang private oil depot na Larraine Marketing. Sinabi ni DENR secretary Ramon Paje na posibleng kasuhan ng Laguna Lake Development Authority ((LLDA) ang Larraine Marketing. Ang LLDA ang may jurisdictions sa polluted water.

Kawawang Pasig River na sinalaula na ng tao at pabrika. Hindi na maibabalik ang kristal na tubig ng ilog at malabo nang mapagkunan ng ikabubuhay. Maliban na lang kung may political will ang mga namumuno at maghigpit sa mga taong nagpaparumi sa ilog. Posibleng luminis kung aalisin ang mga oil depot na bukod sa nagpa-pollute sa ilog ay banta rin sa buhay ng mga residente sa lugar.

 

ILOG

KAWAWANG PASIG RIVER

LAGUNA LAKE DEVELOPMENT AUTHORITY

LARRAINE MARKETING

MANILA BAY

METRO MANILA

NOONG SABADO

PANDACAN

PASIG RIVER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with