Magandang hakbang, pangit ang motibo
SABI ni Senadora Miriam Santiago, maghaharap siya ng resolusyon upang siyasatin ang patuloy na importasyon ng mga second hand na sasakyan sa Cagayan Special Economic Zone and Free Port (CSEZ) sa Port Irene.
Magandang hakbang iyan dahil matagal nang pinag-uusapan ang talamak na smuggling ng mga luxury cars diyan sa Port Irene. Perhuwisyo iyan sa gobyerno na napagkakaitan ng bilyong pisong buwis.
Pero sandali lang, sino ang taong malaki ang kaugnayan diyan sa Port Irene sa Cagayan? Alam ng lahat na ito’y si Senate President Juan Ponce Enrile na kalabang karnal ni Sen. Miriam sa Senado.
Kung hindi sumiklab ang alitan ng dalawang mambabatas, gagawa kaya ng ganyang hakbang si Madam Senadora? Kung buddy-buddy sila ni Manong Johnny magagawa kaya ni Sen. Miriam na ipasiyasat ang Port Irene?
Kaya may pribilehiyo ang lahat ng mambabatas na magtalumpati at maglantad ng mga anomalya ay upang magawan ng aksyon ang mga nagaganap na katiwalian. Pero kung may personal na motibo o dahil galit lamang sa tao, nagkakaroon ng pangit na kulay ang ano mang pagbubunyag.
Sabi ni Miriam, may dumating na namang mga bagong bulto ng second hand na sasakyan kamakailan lamang sa Port Irene sa kabila ng January 2013 ruling ng Supreme Court na nagbabawal sa importasyon ng mga sasakyan.
Matagal nang usapin iyan pero bakit ngayon lang ipinagdidiinan ni Sen. Miriam? Maliwanag na ito’y dahil lamang sa galit niya kay Enrile.
Pati si Sen. Ping Lacson na kaalit din niya ay tinatawag na “bakla†dahil may ibinunyag si Lacson tungkol sa irregular na paggamit ni Santiago ng pondo ng Senado.
Kunsabagay mainam pala ang mga ganyang intramurals para kusang sumingaw ang lahat ng mga natatagong baho. Sige na nga, magaway-away pa kayo!
- Latest