Sa wakas: Sinagot marami kong tanong
HINDI lang kabuhayan, kita, kalakal o agrikultura ang pinag-aabalahan ng mga ekonomista. Pati mga kilos at kakaibang gawi ng tao ay sinisikap nila intindihin. Halimbawa si Robert H. Frank na, kamakailan sa isang artikulo, sumagot sa mga matagal nang itinatanong nang marami:
• Bakit nagha-high heels ang babae? Siyempre, para magpapansin sa lalaki. Pero hindi lang dagdag na tangkad ang dulot ng high heels, kundi pati lalong pagtambok ng tumbok. Aminin!
• Bakit naka-helmet ang kamikaze pilots? Magpapakamatay na lang, nagsusuot pa ng gamit-pangkaligtasan. ‘Yun kaya’y para umabot sila sa target habang ina-anti-aircraft fire sa pagsugod? Hindi raw. Hangad ng commanders nila na makabalik sila mula sa misyon, kaya pinag-iingat at pinaghe-helmet ... pero kung hindi kaya, mag-suicide na.
• Bakit ang butones ng damit pambabae ay mula kaliwa, at ang panlalaki ay mula kanan? Akala mo, para malaman agad ang kaibhan? Hindi. Ito’y dahil nu’ng nauso ang butones (17th century) ang mga babae ay may mga katulong na tagabihis, na mas nadadalian kung pakaliwa ang pagbutones dahil 90% ng tao ay right-handed. Ang mga lalaki ay nagbibihis nang sarili, pakanan. At walang sagabal kung bubunot ng patalim gamit ang kanang kamay mula sa kaliwang baywang.
• Bakit paiba-iba, kanan at kaliwa, ang fuel cap ng kotse? Hindi ito batay sa kung left- o -right-hand drive ang standard sa bansa. Sinasadya ito ng carmakers -- para hindi humaba ang pila sa gas stations kung sakaling puro kaliwa o puro kanan ang fuel cap.
Sinagot din ni Frank ang tanong: Bakit kuwadrado ang bote ng gatas at bilog ang sa cola? Bakit mae-extinct na ang whale, pero hindi ang manok? Bakit sintas pa rin imbis Velcro ang pangsara ng sapatos? Sagutin mo nga!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest