Misis, anak kinulong ng selosong mister ng 3 araw sa container truck
MANILA, Philippines — Isang truck driver ang dinakip sa bisa ng warrant of arrest dahil sa pagkulong sa kanyang misis at 3-taong gulang na anak sa kanyang minamanehong container truck sa loob ng 3-araw, bunsod ng matinding selos, sa Port Area, Maynila.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Baseco Police Station (PS-13), PLt. Colonel Emmanuel Gomez, alas-10:30 ng umaga ng Pebrero 7 nang isilbi ang warrant of arrest sa truck driver na si alyas Vizcarra, 48, sa 2nd street cor. Tacoma st., Port Area, Manila.
Si Vizcarra ay top 3 most wanted (station level) ng Manila Police District na inisyuhan ng Manila court ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa 2 counts ng serious illegal detention o Article 267 ng Revised Penal Code, 2 counts ng Section 5 (a), Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at paglabag sa Section 10 (a), RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Sinabi sa ulat na ang kaso ay nag-ugat sa insidenteng naganap noong Hulyo 2024.
May nakita umanong mensahe sa cellphone ng misis na ikinagalit ni Vizcarra at nauwi sa pagtatalo sa loob ng restaurant sa umano’y selos na may ibang lalaki na karelasyon. Sinaktan umano ang kaniyang misis bago ikinulong sa container truck.
Ayon kay Gomez, binigyan lamang ng plastic ang mag-ina kung iihi at dudumi at tinatakot ang anak na ihuhulog kung hindi titigil sa pag-iyak.
Matapos ang ikatlong araw ay pinayagan nang lumabas ang mag-ina at pinauwi sa kanilang bahay sa Bulacan kaya nagawang magsuplong sa pulisya.
Aminado naman ang suspek sa kanyang ginawa kasabay ng pahayag na hindi niya pinagsisisihan dahil sa panloloko ng misis.
- Latest