Malabon LGU, nagbabala vs pekeng PWD ID
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Malabon LGU ang mga residente ng lungsod laban sa paggamit ng mga pekeng persons with disability (PWD) ID.
Ang babala ay ginawa ng Malabon LGU matapos makatanggap ng ulat ang Malabon Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na patuloy ang pagkalat ng mga pekeng PWD IDs na nagdudulot ng pang-aabuso at kawalan ng tiwala sa kanilang sistema.
Nilinaw ng Malabon LGU, hindi sila nagre-release sa pamamagitan ng online ng mga PWD ID. Hindi rin anila nagpapabayad ang Malabon PDAO sa pagbibigay ng nasabing ID.
Paalala rin ng lokal na pamahalaan, na huwag maniwala sa mga naglalakad o may kakilala sa Malabon PDAO upang makakuha ng PWD ID at nanghihingi pa ng bayad.
May ilang dokumento at beripkasyong ginagawa bago maisyuhan ng PWD ID.
Panawagan ng LGU, agad na isuplong o ipagbigay alam sa kanila at sa pulisya ang mga indibiduwal na nanamantala sa PWD ID.
Dagdag pa ng Malabon LGU, na ang maling paggamit ng PWD ID ay may kaukulang parusa sa ilalim ng batas.
- Latest