Yulo kakausapin ni Pangulong Marcos sa pagpapabuti ng Philippine sports
MANILA, Philippines — Nais kausapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Filipino gymnast at Olympics gold medalist na si Carlos Yulo kung ano ang mga kailangan para pagbutihin ang sports sector ng bansa upang marami pa ang mga Pinoy na mamayagpag sa mga katulad na kompetisyon.
Sa ambush interview kahapon, tinanong si Marcos kung plano ba ng Office of the President na magbigay ng hiwalay na monetary reward kay Yulo matapos na makakuha ng dalawang gintong medalya ng gymnast sa 2024 Summer Olympics sa Paris, France.
”Well, why not? Yeah, I don’t see why not. He deserves everything that anybody is willing to give him. Actually dahil may monetary reward na siya, kung saan saan nanggagaling, ang talagang… ‘pag ka nagkita kami, itatanong ko sa kanya ano ba ang maitutulong ng pamahalaan para mas dumami ang ating mga medalists sa Olympics?” ani Marcos.
”Nadaanan niya lahat ‘yan. He went through the Tokyo Olympics, he has now won his two gold medals in the Paris Olympics kaya’t kung ano pa ang aming gagawin because alam naman natin itong mga atleta, hindi lang ang sarili ang iniisip kung hindi pagandahin pa at mas maganda pa ang performance doon sa sports nila at sa buong sports ng Pilipinas,” paliwanag pa niya.
Aniya, ang personal niyang interes ay magkaroon pa ng mas maraming Filipino na magtatagumpay sa larangan ng sports.
- Latest