12-anyos na may autism, naibalik sa mga magulang sa tulong ng UV express driver
MANILA, Philippines — Isang dalagita na may Autism Spectrum Disorder (ASD) ang itinurn-over ng isang UV Express driver sa pulisya makaraang hindi ito bumababa ng sasakyan at hindi rin masabi kung saan siya pupunta, sa Makati City.
Sa ulat, kamakalawa ay tuluyan nang nagkita ang 12-anyos na si alyas Sophia at mga magulang nito sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati City Police Station.
Una umanong humingi ng tulong sa Makati Police si Sergio Dano, 50 dahil ayaw umanong bumaba ng sasakyan niyang pampasada hanggang sa marating na ang huling destinasyon.
Ang mga babaeng police officer na ang humimok sa batang babae na sumama sa kanila sa istasyon ng pulisya.
Hindi umano sumasagot sa tanong ang bata kung saan siya talaga tutungo kaya nagsagawa ng retracing sa pinagmulan ng bata at inalam sa iba pang police stations kung may naiulat na “missing child”.
Sa pagtitiyaga ni P/Master Sgt Emma Tiempo na kausapin ang bata ay nakakuha ito ng impormasyon kaya nakipag-ugnayan sa Makati Social Welfare and Development (MSWD) office at Brgy. West Rembo na nakakasakop sa bahay nito at dakong alas-10:00 ng umaga nang dumating ang mga magulang.
Dala ng mga magulang ang birth certificate at iba pang pagkilanlan na magpapatibay na anak nila ang bata.
- Latest