11 SAF troopers sa ‘moonlighting’ sibak
MANILA, Philippines — Sibak sa serbisyo ang 11 opisyal ng Special Action Force (SAF) matapos na mapatunayang sangkot sa ‘moonlighting’ activity o nagbigay ng seguridad sa ilang Chinese kamakailan sa Muntinlupa City.
Kabilang dito sina PLt. Col. Joseph Bagsao, PCpt. Dale Andre Duterte, PCpt.Roy Plenos, PCpt. Jesttony Asanion, PLt. Aaron Tudlong PLt. Michael Misa, Executive Master Sergeant Aaron Turano, Senior Master Sergeant Edmark Mabini, Senior Master Sergeant Albert Gandipon, Corporal George Mabuti at Patrolman Robert Valdez.
Ang pagsibak sa mga ito ay kasunod ng pag- apruba at pirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS).
Batay sa imbestigasyon ng IAS, napatunayang nagkasala sa kasong grave misconduct, dishonesty, grave irregularity in the performance of their duties and conduct unbecoming of a police officer ang mga naturang pulis.
Suspendido naman ng 31 araw si PCpt. Mark Victor Pineda dahil sa simple neglect of duty at less grave neglect of duty habang absuwelto naman sina PCpt. Julius Tacay, Chief MSgt. Leolio Calasang at Cpl. Rusty Araya dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
“We are committed to upholding the highest standards of professionalism and accountability, and those who fail to uphold these values will be held accountable,” ani Marbil.
Hindi nila kukunsintihin ang masamang gawain at katiwalian ng mga pulis.
Nag-ugat ang kaso noong Mayo 18 matapos na magpang-abot at magsuntukan ang dalawang SAF member sa Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa City.
Dito nabuking ang pagmo-moonlighting ng mga SAF troopers bilang security ng mga Chinese na dawit sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO).
Lumitaw na itinalaga ang mga pulis ng kanilang battalion commander sa mga Chinese na isang paglabag sa PNP rules.
- Latest