Sapat na pagkain, kabuhayan tiniyak ni Erap
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na magkakaroon ng sapat na pagkain at hanapbuhay ang mga residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila.
Ang paniniyak ay ginawa ni Estrada kasabay ng paglulunsad ng Rebolusyon Kontra Gutom (RKG) na naglalayong mabigyan ng sapat na pagkain ang mga mahihirap na residente ng Baseco.
Katuwang sa proyekto ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, SM Foundation at Harbest Agribusiness Corp.
Ayon kay Estrada, malaki ang maitutulong ng RKG sa mga residente ng Baseco dahil nakatitiyak na may sapat na pagkain at kabuhayan lalo pa’t lumilitaw sa report ng UP na mataas ang kaso ng kahirapan sa lungsod ng Maynila.
Aniya, mas makakatipid din ang mga residente sa gastusin ng kanilang pagkain bukod pa sa maaari din nila itong pagkunan ng kanilang ikabubuhay. “Mas lalakas din ang kanilang resistensiya dahil ang gulay ay pampahaba ng buhay”, ani Estrada.
Ipinaliwanag naman ni Cristie Angeles, Assistant Vice President for Livelihood ng SM foundation, na tuturuan ang mga residente ng tamang pagtatanim sa loob ng 12 linggo.
Nais anilang ipromote ang urban farming na matagal na rin umano nilang ginawa sa ibang lalawigan. Ang Baseco ang ika 98 lugar na kanilang pinagtaniman kung saan isusunod nila ang lungsod ng Quezon.
Giit pa ni Angeles, maging ang mga plastic container ay maaaring pagtaniman ng mga eskuwalahan at harapan ng kanilang mga bahay.
- Latest