7-anyos naputulan ng paa sa sunog
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng 7-anyos na totoy na sinasabing humiwalay ang kaliwang paa sa katawan na naganap na sunog sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni SFO4 John Joseph Jaligue ng Manila Fire Bureau, kinilala ang biktima na si Andrei del Rosario ng #1927 Muñoz St. sa nasabing lugar.
“Yung batang namatay, natagpuan kaagad, pero mismong ang mga kamag-anak na ang nakakita. Dahil sa taranta binuhat nila ’yung bata at naiwan pa ’yung paa dun sa lugar na nasunog,” pahayag ni SFO4 Jalique.
Samantala, sugatan naman sina Jomar Sialo, 31; at Ryugi Tanaka, 22, kapwa tumulong sa pag-apula ng sunog.
Nagsimula ang sunog dakong alas-2 ng madaling-araw kung saan idineklarang fire-out bandang alas-3 ng madaling-araw.
Umabot sa 20 pamilya ang nasunugan na tumagal lamang ng ikatlong alarma.
Nabatid na ang ina ng bata ay overseas Filipino worker (OFW) sa Jordan. Hindi umano ito pinayagan ng amo na makauwi noong Pasko at Bagong Taon dahil may 5-buwan pa lamang itong namamasukan.
Mag-isa lamang ang bata na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay at nasa labas ang mga kaanak nito dahil sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
May nagsasabing maaaring isang firecracker na sinindihan ng bata ang sanhi ng sunog sa loob ng bahay nito na hindi napansin ng mga kaanak. (Ludy Bermudo)
- Latest