Kaguluhan sa GVHAI dahil sa HLURB
CAVITE, Philippines — Pinaniniwalaang kapabayaan at pagtetengang kawali ng pamunuan ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) kaya anumang araw ay sisiklab ang madugong kaguluhan ng magkalabang grupo sa Gardenia Valley Subd. sa Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Nabatid na sinalakay at winasak ng ilang residenteng nagsagawa ng snap election noong Marso 24, 2013 ang opisina ng mga opisyal ng Gardenia Valley Homeowners Association, Inc. upang okupahin.
Bitbit ng grupo sa pangunguna ni Rodulfo “Bebot†Manatad ng Phil. Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang tatlong armadong guwardiya mula sa Man Great Security Agency kung saan iginigiit ng mga ito na sila ang tunay na opisyal ng GVHAI dahil sa hawak na dokumento mula sa lokal na sangay ng HLURB sa Calamba subalit itinanggi naman ng kasalukuyang opisyal na nanalo noong Nob. 25, 2012 eleksyon
Dahil sa kaguluhang naganap ay napasugod ang pitong pulis-Bacoor sa pamumuno ni P/Insp. Cuevas at si Barangay Chairman Jun Advinculla para payapain ang tension na mauuwi sa madugong karahasan.
Dito kinompronta ng grupo ni Manatad sina Chairman Advinculla at P/Insp. Cuevas dahil sa sinasabing pakikialam sa pribadong subdibisyon kahit na may kaguluhang nagaganap.
Kinuwestyon nina Advinculla at Cuevas ang kaguluhang ginawa ng nasabing grupo at pagdadala ng tatlong armadong guwardiya.
Gayon pa man, kahit nagsisigawan ang mga residente na muling mag-eleksyon para magkaalaman ay napayapa naman ang nakaambang kaguluhan subalit sa hindi inaasahang pagkakataon habang nagpapaliwanag ang dalawang lokal na opisyal ay nabastuhan si Barangay Chairman Advincula sa inasal ng anak na babae ni Manatad na si Cristy dahil sa pabalang na pagsagot hanggang sa mamagitan ang ama ng dalaga.
Magugunita na nagsimula ang kaguluhan matapos mag-snap election ang grupo ni Manatad para palitan ang kasalukuyang pamumuno sa GVHAI kung saan pinaniniwalaang isa sa motibo ng pag-aaklas ay ang nakokolektang malaking halaga mula sa mga homeowner ng nasabing subdibisyon.
- Latest