Barrier-less tollways target ilarga sa Nobyembre
MANILA, Philippines — Sisimulan na sa Nobyembre ang barrier-less sa mga expressway para mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo matapos itong makipagpulong sa mga opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB), Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), at San Miguel Corp. (SMC) Tollways sa Kamara.
Una umanong aalisin ang mga barrier sa entry ng mga expressway at sa susunod na taon ay mga exit point naman ang gagawing barrier-less.
Sinabi naman ni MPTC president Rogelio Singson na ang barrier-less expressway ay magsisimula matapos ang implementasyon ng interoperability ng mga RFID ng MPTC at SMC.
Ibig sabihin ay isa na lamang RFID ang gagamitin sa lahat ng expressway sa Pilipinas, kabilang ang SLEX, NLEX, Skyway, CALAX, TPLEX at iba pa.
Ang sistema umanong gagamitin ay kayang makuhanan ang plaka ng sasakyan na tumatakbo ng 140-160 kilometro bawat oras.
Sa kasalukuyan, ayon kay Singson, sinusubukan na ang barrier-less tollways sa NLEX connector.
“Sa connector, wala nang toll booth dun eh. Wala nang barriers. So, we are already on the start of the execution. But, as I said, it will take some time,” dagdag pa nito.
- Latest