Bolts nadiskaril ang target sa EASL
MANILA, Philippines — Kinapos ang Meralco na masungkit ang makasaysayang Final Four ticket matapos ang 96-106 double overtime loss sa New Taipei Kings sa pagtatapos ng 2024-2025 East Asia Super League (EASL) elimination round sa University of Taipei.
Nilustay ng Bolts ang komportableng 72-63 kalamangan sa huling mga minuto upang hayaan ang double OT kung saan sila naubusan ng gasolina.
Nagtapos sa 2-4 kartada sa Group B ang Meralco, habang 4-2 naman ang New Taipei sa virtual KO match para sa huling silya sa semis ng home-and-away regional league.
Bolts sana ang aabante sa Final Four na gaganapin sa Marso 7 hanggang 9 sa Macau dahil sa quotient sakaling magtabla sila sa 3-3 kartada kasama rin ang Macau Black Bears.
Nauwi sa wala ang 21 points, 8 rebouns, 3 assists at 4 steals ni import DJ Kennedy pati na ang 17 markers ni Chris Newsome para sa Bolts na nasibak din sa quarterfinals ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kontra sa Barangay Ginebra.
Nag-ambag ng tig-15 points sina import Akil Mitchell at Bong Quinto.
Abot-kamay na sana ng PBA Philippine Cup champions ang tagumpay hawak ang 78-75 abante sa regulation subalit naibuslo ni Austin Daye ang tres sa huling 14 segundo.
Sablay ang tira ni Kennedy para sa unang overtime kung saan bumawi ang Meralco sa katauhan ni Jansen Rios na nagtarak ng buzzer-beating triple para makapuwersa ng second overtime, 91-91, bago tuluyang kapusin.
- Latest