Search and rescue ops ng Japan sa missing 36 Pinoys, itinigil na
MANILA, Philippines — Itinigil na ng Japanese Coast Guard ang full time search and rescue operations nito sa nawawalang 36 Pinoy seamen na sakay ng lumubog na Gulf Livestock 1.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na ipinabatid sa kanya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka, Japan na inilagay na lamang sa normal search ang pagpapatrulya matapos wala ng makitang bakas ng lumubog na barko.
Sa search and rescue ops, tatlong barko, apat na eroplano at dalawang divers ang pinakikilos sa paghahanap sa mga mandaragat na sakay ng “cattle ship” na Gulf Livestock 1.
“Ngayon, hininto na ‘yun. ‘Yung normal na lang daw na operation ang ginagawa nila,” ayon kay Bello.
Matatandaan na lumubog ang Gulf Livestock sa karagatan sakop ng Japan kung saan sakay ang 43 tripulante kabilang ang 39 Filipino ngunit tatlo lamang sa mga ito ang natagpuan.
Ang dalawa ay buhay at nasa maayos nang kondisyon ngunit ang isa naman ay kinumpirma kalaunan na nasawi.
Galing sa New Zealand ang barko patungo ng China nang abutan ng bagyo sa East China Sea.
- Latest