'National Dengue Alert' idineklara ng DOH sa paglobo ng mga kaso
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, itinaas ng Department of Health ang "National Dengue Alert" dahil sa bilis ng pagtaas ng mga kaso nito sa iba't ibang panig ng bansa.
Secretary Francisco T. Duque III today declared Dengue Alert Status in selected regions in the country. This is in response to the rapidly increasing number of cases observed in the Philippines. pic.twitter.com/IUBYwMakg0
— Department of Health (@DOHgov) July 15, 2019
Sa ulat ng The STAR, sinasabing lumampas na sa "epidemic threshold" ang naitatala sa mga sumusunod na rehiyon:
- MIMAROPA
- Western Visayas
- Central Visayas
- Northern Mindanao
Ayon sa "Manual of Procedures for the Philippine Integrated Disease Surveillance and Response" na inilabas ng National Epidemiology Center — DOH, ang epidemic threshold ay ang antas ng pagkalat ng sakit na lampas pa sa nangangailangan ng "urgent response" (agarang pagtugon.)
Lumampas na rin ito sa "alert threshold" sa mga sumusunod na lugar:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- CALABARZON
- Bicol Region
- Eastern Visayas
- Zamboanga Peninsula
- Davao Region
- Bangsamoro Region
- Cordillera Administrative Region
Ang alert threshold naman ay antas ng pagkalat ng sakit na nagsisilbing "early warning" (paunang babala) sa mga epidemya.
Pumalo na sa 106,630 ang kasong naitatala sa Pilipinas simula ika-1 ng Enero hanggang ika-29 ng Hunyo, na mas mataas ng 85% kumpara sa bilang sa kaparehong panahon noong 2018.
Gayunpaman, wala pa naman daw pambansang epidemya sa ngayon.
Nitong Biyernes, matatandaang nagdeklara na ng "dengue outbreak" ang mga lokal na gobyerno ng Guimaras at Capiz kasunod ng mga lumolobong datos.
Sa probinsya ng Guimaras, 1,046% ang itinaas nito.
Ayon sa DOH, ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon nito ay:
- pananakit ng tiyan
- pagsusuka
- pagdurugo nsa iba't ibang parte ng katawan tulad ng ilong, gilagid, ihi at pagkakaroon ng "rashes" sa katawan
- hindi mapakali o wala sa sarili
Ang dengue ay isang viral disease na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng mga babaeng lamok, partikular ng Aedes aegypti at paminsan-minsa'y Aedes albopictus.
Naipapasa rin ng mga naturang lamok ang mga sakit gaya ng chikungunya, yellow fever at Zika.
Ayon sa World Health Organization, isa ang "severe dengue" sa mga pangunahing seryosong sakit na nagdudulot ng kamatayan sa mga bata sa Asya at Latin Amerika.
"After a drop in the number of cases in 2017-18, sharp increase in cases is being observed in 2019," wika ng WHO sa isang ulat.
(Matapos ang malaking pagbagsak nitong 2017 hanggang 2018, nakita ang pagsipa ng bilang mga kaso ngayong 2019.)
Babala pa ni Gundo Weilder, kinatawan ng WHO sa bansa, dapat nang maghanda ang Pilipinas para sa severe dengue.
Nasa 500,000 tao ang naoospital taun-taon sa buong mundo sanhi ng malubhang dengue, kung saan 2.5% sa kanila ang namamatay. — may mga ulat mula kay The STAR/Shiela Crisostomo, Jennifer Rendon at BusinessWorld
- Latest