Diokno inaway ng solons dahil sa Road Users Tax
MANILA, Philippines — Ang Road Users Tax ang ugat kaya umano inaaway si Budget Sec. Bejamin Diokno ng ilang kongresista partikular sina House Majority leader Rolando Andaya Jr. at House Minority leader Danilo Suarez.
Ayon kay Diokno, bukod sa isyu ng Road Users Tax ay ginawa rin siyang panakip-butas sa natuklasan ni Sen. Panfilo Lacson na insertion ng mga kongresista sa proposed 2019 budget.
Iginiit ni Diokno na wala siyang ginawang insertion sa President’s budget na nakapaloob sa 2019 proposed national budget gaya ng P75 bilyon dagdag sa Department of Public Works and Highways dahil ito ay bahagi ng budgetary adjustment process ng executive department na puwedeng baguhin ng Kongreso.
Wika pa ng DBM chief, sa pinakahuling Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang ay inungkat ng mga kongresista kasama si Rep. Suarez ang ukol sa Road Users tax.
Aniya, siya mismo ang nagrekomenda kay Pangulong Duterte upang buwagin ang Road Board na nangangasiwa sa Road User’s tax dahil pinagsasamantalahan ito ng mga tiwaling opisyal sa gobyerno kaya hiniling mismo ng Pangulo sa Kongreso na pagtibayin ang panukalang bubuwag sa Road Board.
Naniniwala rin si Diokno na ayaw pakawalan ng mga kongresista ang Road User’s tax na nagkakahalaga ng P45 bilyon kaya noong nagpalit ng liderato sa Kamara ay binawi nito ang kanilang ratified bill matapos i-adopt ng Senado ang House version.
Malaki rin ang hinala ni Diokno na may kinalaman sa darating na eleksyon sa Mayo ang pagnanais ng mga kongresista na magamit ang Road User’s tax.
Ang budget insertion at Road User’s tax ang dahilan kaya nabalam ang pagpapatibay sa proposed 2019 budget.
- Latest