Subsidy sa irigasyon itaas
1.2M magsasaka umapela
MANILA, Philippines — Umaapela ang may 1.2 milyong magsasaka na miyembro ng National Confederation of Irrigators Association (NCIA) kay Pangulong Duterte na matugunan ang problema ng mga lehitimong magsasaka laban sa mababang subsidiya na ipinatutupad ng National Irrigation Administration (NIA) sa bagong naipasang batas na Free Irrigation Service Act (RA 10969).
Ayon kay Silvestre Bonton, pangulo ng NCIA, sa sunud-sunod na mga konsultasyon ng NIA at ng kanilang grupo mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, ang napagkasunduan P600 bawat ektarya (all in) na bayarin sa operasyon at pagmamantine ay hindi sinusunod sa halip ay patuloy na ipinatutupad ang P150 kada ektarya, na napakaliit gayundin ang P1,750 sa bawat 7-kilometro sa mga line canal at P1,750 sa bawat 3.5 kilometro unlined canal.
“Ang ipinagtataka lang namin bakit free irrigation na at may kasunduan na ang NIA at NCIA, tuloy pa rin sila sa pagkuha ng mga contractual workers na wala namang ginagawa, nangyayari tuloy duplication ng trabaho,” wika ni Bonto.
“… sana ‘yung pinapasuweldo sa mga contractual workers na nakaupo lang at walang ginagawa dahil ibinigay na sa NCIA ang trabaho ay idagdag na lamang sa gastusin ng operasyon, upang sumapat sa kinakailangan sa operasyon at maintenance at maging sagana ang ani ng mga magsasaka,” dagdag pa ni Bonto.
Sinabi naman ni Dante Lazatin, pinuno ng Upper Pampanga River Integrated and Irrigation System (UPRIIS), isang grupo sa ilalim ng NCIA, na ang ayuda ng NIA ay lubhang nakakapinsala sa mga irrigator. Aniya sila ang mga lehitimong magsasaka at alam nila ang aktwal at eksaktong sukat ng lupa nilang sinasaka.
Ibinunyag pa ni Lazatin na ang Department of Agriculture (DA) ay may sariling listahan ng mga magsasaka na umano’y nagagamit sa “corrupt practice” dahil kahit mga namatay na ay nakakakuha pa rin ng subsidiya.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 10969, na libre na ang mga magsasaka sa walong ektaryang lupain mula sa pagbabayad sa serbisyo ng patubig mula sa national at communal irrigation systems.
Kasabay nito, pakiusap din ng NCIA sa Pangulo na isama na lamang ang subsidiya ng gobyerno sa taunang budget ng NIA dahil ang subsidiya ay maaring mawala o maalis anumang oras.
- Latest