“Truck Ban” sa EDSA planong alisin-MMDA
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong pagtanggal ng “truck ban” sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila tulad ng EDSA.
Ayon kay MMDA officer-in-charge Tim Orbos, pinag-aaralan na nila ngayon na payagan nang makadaan ang mga delivery truck sa EDSA at ilan pang major roads mula ala-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw, dahil maluwag sa trapik ang naturang mga oras.
Ang hakbangin ng MMDA ay base sa derektiba sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We are still drafting the guidelines, in our observation, traffic is still heavy by 10 pm. We plan to call it ‘midnight run’ for trucks and shall end by 4 am,” ani Orbos.
Nais ding ikonsulta ito ng MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil ang concern nila ay kung paano mapoprotektahan ang mga kalyeng nasisira nang dumadaang mga truck.
Nais rin nilang hingin ang tulong ng DPWH upang pag-aralan kung maaari bang dumaan ang mga truck sa lahat ng lanes o di kaya’y maglagay na lamang ng designated lane tulad ng pinatutupad sa C-5 Road.
Nabatid na sa ilang mga taon at hanggang sa kasalukuyan ay pinatutupad ng MMDA ang truck ban sa EDSA, mula sa Magallanes Interchange, Makati City hanggang North Avenue, Quezon City.
- Latest