Survivors dumalo sa unang misa
MANILA, Philippines - Dumalo sa kauna-unahang misa sa mga simbahan sa Tacloban City, Leyte ang mga survivors ng super bagyong Yolanda.
Sa kaniyang homily sa Sto. Niño Church, ipinaalala ni Monsignor Alex Opiniano na sa kabila nang mapait na karanasan ng tao, mahalaga pa rin umanong kilalanin at ipagpasalamat ang kabutihan ng Panginoon.
Wika pa ni Monsignor Opiano, pagkakataon din ito para mas lalong maÂging malapit sa Diyos tulad ng mga apostol noon na sumagupa sa malalaking alon pero hindi nawalan ng tiwala sa Panginoon.
Nagpapasalamat sa Diyos ang mga nakaligtas sa trahedya dahil binigyan pa sila ng panibagong buhay kahit nawala ang kanilang mga mahal sa buhay dahil sa trahedya.
Sinabi ni Violeta Simbulan, kahit dinanas nila ang delubyo ni Yolanda ay hindi nawala ang kanilang pananampalataya sa Diyos kahit ilan sa kanilang mga kaanak ang nasawi.
Maging sa bayan ng Guiuan sa Eastern Samar ay dumagsa din ang mga mananampalataya at nakinig ng banal na misa kahapon.
Nasa 300 biktima ng Yolanda mula sa bayan ng Guiuan na unang tinamaan ni bagyong Yolanda ang nagsimba kahapon sa Concepcion Church na nawasak din ng bagyo.
Ayon kay Belen Curila, 71 anyos, na nakaligtas sa bagyo, nagpapasalamat siya sa Diyos dahil binigyan pa siya ng panibagong buhay matapos makaligtas sa bagyo.
Sinabi ni Curila, ang Diyos ang nagpapatag sa kanyang pananampalataya kaya siya nakaligtas sa delubyo.
Tinukoy naman ni Fr. Arturo Cabiao sa kanyang homily ang matatag na pananampalataya ng mga Katoliko kaya nakaligtas pa rin ito sa super bagyo.
Nagtungo kahapon si Pangulong Aquino sa baÂyan ng Guiuan, EasÂtern Samar upang damayan ang mga biktima ng bagyo at maghatid ng relief goods.
Binisita ring muli ng Pangulo ang Tacloban City kahapon at naghatid din ng relief goods saka nakipag-usap sa mga biktima at sinigurong katuwang ang gobyerno sa muli nilang pagbangon.
- Latest