Lolo nahulihan ng 50 bala sa NAIA
MANILA, Philippines - Isang 75-anyos na lolong balikbayan ang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs dahil sa pagdadala ng my 50 pirasong Remington live ammo na walang kaukulang permiso matapos itong dumating sa NAIA Terminal 2 galing San Francisco, USA.
Kinilala ni BoC Commissioner Ruffy Biazon ang Filipino American passenger na si Domingo Rave Aquino, na sakay ng eroplanong PAL flight PR 105 via San Francisco na may connecting flight sa Cebu.
Nabatid mula sa ulat na isinumite nina NAIA District Commander Marlon Alameda at Assistant Chief and Investigation Customs police Byron Carbonell ng ‘BOC Task Force React’ sa tanggapan ni Comm. Biazon, nakita sa x-ray machine ang hugis mga bala ng baril sa dalang bagahe ni Aquino.
Nang beripikahin ang laman ay nakita rito ang isang kahon na naglalaman ng 50 pirasong mga bala ng .9mm na nakalagay sa isang toilet bag.
Hinanapan ng permit si Aquino, subalit wala itong maipakitang kaukulang dokumento na nagsasabing legal ang pagdadala nito ng mga bala na nakalagay sa bagahe nito.
Gayunman, itinanggi ni Aquino na may alam ito sa mga live ammo na nakuha sa kanya. Sinabi niya na hindi niya alam ang kahon na ibinigay sa kanya ng kamag-anak niya sa US para dalhin sa Cebu.
- Latest