^

Punto Mo

Tsokolateng natutunaw

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DARATING ang panahon na ang ipinagmamalaki nating Chocolate Hills sa Bohol ay matutunaw na parang tsokolate dahil sa pagsasamantala ng mga ganid na negosyante, kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.  Sino naman ang hindi magagalit na makita ang isang private resort na nagtayo ng swimming pool, water slides at mga cottages sa mismong paanan ng Chocolate Hills na idineklara ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization bilang isang global geopark, isang yamang ipinagkaloob ng Diyos hindi lamang para sa mga Pilipino, kundi sa buong sangkatauhan?

Ang pagkakatayo ng isang resort na sumira sa likas na ganda ng Chocolate Hills ay bunga ng isang himala—ang himala ng katiwalian. Imposibleng makapagpatayo ng resort sa isang protektadong lugar na tulad ng Chocolate Hills kung walang nangyaring hokus-pokus na kung tawagin ay lagayan. Ang Chocolate Hills na green kung tag-ulan at brown kung tag-init ay binubuo ng 1,776 punso ng apog (limestone mounds) na matatagpuan sa Bohol. Ganito pa kaya ang bilang nito? May mga haka-haka na nabawasan na ang bilang nito, sapagkat ginawa diumanong panambak.

Napakagaling nating manira ng mga likas na yaman na ipinagkaloob ng Diyos sa atin nang libre.  Hindi natin ginawa ang mga ito, ang responsibilidad lamang natin ay pangalagaan, pero hindi pa natin magawa. Ito rin ang malungkot na sinapit ng wind energy farm sa Masungi Georeserve sa probinsiya ng Rizal, ng monumento ni Jose Rizal sa Luneta na natakpan ng itinayong high-rise condominium, ng pagkasira ng magandang tanawin sa paglubog ng araw sa Manila Bay dahil sa mga reclamation projects.

Nanganganib ding mapinsala ang iba pang likas-yaman na tulad ng Mayon Volcano sa Albay at Banaue Rice Terraces sa mga bulubundukin ng Ifugao. Hindi malayong dumating ang panahon na litrato na lamang ng magagandang likas-yaman na ito ang makikita ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Kasingganda tayo ng New Zealand na dinarayo ng mga turista. Ang pagkakaiba sa atin ng New Zealand, talagang napakahigpit ng gobyerno nito sa pangangalaga sa kanyang likas-yaman. Doon ay walang pinuno ng gobyerno na nalalagyan, halos zero ang katiwalian. Higit sa lahat, mahal ng mga taga New Zealand ang kanilang bansa, minamahal nila na parang personal property nila ang mga likas nilang yaman. Mayaman sila hindi lamang sa pera, kundi sa konsensya.

Tayo’y hindi lamang mahirap sa pera, kundi maging sa konsensya. May depekto ang ating value system. May mga bagay na mabuti na ikinahihiya natin, samantalang may mga bagay na masama na ipinagmamalaki natin. Kulang tayo sa pagmamahal sa ating bansa, kapos tayo sa pagmamalasakit sa mga likas-yaman na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Marami ang walang pasubaling ipagpapalit ang dangal sa pera. Lumulutang ito sa panahon ng eleksyon na ang boto ay ibinebenta sa halagang P500 o P1,000. Kaya’t ang nagdidikta ngayon sa ating eleksyon ay pera—ang may pinakamaraming perang ginastos sa kampanya ang karaniwang nananalo.

Ang kailangan natin ay moral revolution—pagbabago ng ugali at mga pinahahalagahan. Pagbabagong panloob, sa halip na panbas lamang. Kung hindi tayo magbabago, matutulad tayo sa Chocolate Hills na parang tsokolateng natutunaw!  Kung hindi tayo magbabago, ang maiiwan na lamang sa atin ay mga litrato ng magandang nakaraan! 

vuukle comment

CHOCOLATE HILLS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with