^

Punto Mo

Pinakamasipag na Presidente

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KUNG ang sukatan ng kasipagan ay ang pagbisita sa ibang bansa, walang tatalo kay Presidente BBM. Siya ang pinakamasipag. Sa loob ng 23 buwang panunungkulan bilang Presidente, nakapagsagawa na siya ng 26 na pagbisita sa ibang bansa.  Ibig sabihin, halos buwan-buwan ay umaalis siya upang bumisita sa ibang bansa. Ito ang maaaring maging pangunahing pagsasalarawan ng kanyang administrasyon.

Isa sa sinasabing dahilan ng mga pagbisitang ito’y para akitin ang mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa Pilipinas. Wala pang detalyadong ulat tungkol dito, bagamat may mga nagsipangako na sila’y mamumuhunan sa Pilipinas. Sana’y hindi ito mga pangakong pulitiko. Epektibo ba ang ginagawang “pagbebenta” ni BBM sa Pilipinas sa punto ng pamumuhunan? Totoo bang mamumuhunan ang mga negosyante dahil sa imbitasyon ng presidente ng isang bansa?

Ano ba ang hinahanap ng isang negosyante sa isang bansa para pakawalan niya dito ang kanyang puhunan? Nagulat ako sa resulta ng survey na ginawa kamakailan ng Pulse Asia kung ano ang opinyon ng mga karaniwang Pilipino kung bakit hirap tayong makaakit ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas. Natumbok ng ating mga kababayan ang pinagmumulan ng problema. Narito ang resulta:

Mahigit sa kalahati ng mga Pilipino, 56 porsyento, ang naniniwala na bantulot na mamuhunan ang mga dayuhang negosyante sa Pilipinas dahil sa mabagal, kumplikado at pabagu-bagong mga regulasyon na nauuwi sa red tape. Naipasa na ang batas na “Ease of Doing Business” at naitatag na ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), pero usad-pagong pa rin ang mga proseso. 

Naniniwala naman ang 55 porsyento ng mga Pilipino na ang restriksyon sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupain at pumasok sa mga negosyong kaugnay ng media, public utilities at edukasyon ang dahilan ng problema. Sa ilalim ng ating Konstitusyon, ang isang dayuhan ay maaari lamang mag-may-ari nang hanggang 40 porsyento ng negosyo, ang 60 porsyento ay kailangang hawak ng Pilipino.  Sa Kongreso, isinusulong na baguhin ang Konstitusyon para alisin ang sobrang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan. Pero ang nakapagtataka, sa isang naunang survey, lumabas na 88 porsyento ng mga Pilipino ay tutol sa pagbabago ng Konstitusyon. 

Halos kalahati ng mga Pilipino, 46 porsyento, ang nagsabi na ang pangunahing dahilan ng mabagal na dayuhang pamumuhunan ay ang malawak na katiwalian sa gobyerno.  Hindi naman ito lingid sa mga dayuhang negosyante dahil kabilang tayo sa isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo. 

Ang mga sumunod na nakitang dahilan ng ating mga kababayan ay ang kakulangan ng maayos na transportasyong pampubliko, 40 porsyento; mataas na singil sa kuryente, 37 porsyento; mabagal na telekomunikasyon, 30 porsyento; at kakulangan ng magagandang insentibo sa mga mamumuhunan.

Kaya kahit hindi bumisita sa ibang bansa, maaakit ni BBM ang mga dayuhan na mamuhunan sa Pilipinas kung mawawala ang red tape, luluwagan ang mga restriksyon, masusugpo ang katiwalian, magkakaroon ng magandang transportasyong pampubliko, bababaan ang singil sa kuryente, bibilisan ang telekomunikasyon, at mag-aalok ng magagandang insentibo.

Mas maganda kung ang mga ito ang maglalarawan sa administrasyon ni BBM. Sana sa mga ito na lamang niya gastusin ang napakalaking nagagastos sa napakadalas na pagbisita sa ibang bansa. Mas sasaludo ako kay BBM kung siya ang tatanghaling pinakamasipag na presidente na bumisita sa mga kanayunan ng Pilipinas.

vuukle comment

FERDINAND MARCOS JR.

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with