EDITORYAL – Pagtitiwalaan pa ba ang NFA?
Mahirap nang pagkatiwalaan ang National Food Authority (NFA) kung ang pag-import ng bigas ang pag-uusapan. Baka magkaroon na naman ng kontrobersiya at ang pamahalaan ang kawawa sa dakong huli.
Lumutang ang isyu nang mapabalita na mag-iimport na naman ng bigas ang bansa at ang NFA ang pagkakalooban ng kapangyarihan ukol dito. Umalma kaagad ang mga senador at sinabing tutol sila sa balak ng pagbibigay ng kapangyarihan sa NFA sa pag-angkat ng bigas. Ang pagtutol ay ginawa nang magkaroon ng pagdinig sa Senado noong Huwebes.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., na hindi nila gustong ibalik ang kapangyarihan ng NFA sa pagbili at pagbenta ng bigas. Wala raw intensiyon na ibalik ang full-power ng NFA sa pagbili at pagbenta ng bigas kundi gagamitin lamang ang ahensiya sa pagpapababa ng presyo ng bigas. Hindi raw bibigyan ng authority ang kahit sinuman sa NFA, sabi pa ni Tiu-Laurel.
Nararapat lamang na huwag nang bigyan ng kapangyarihan ang NFA at baka maulit na naman ang nangyaring korapsiyon noong Marso nang mabulgar ang pagbebenta mismo ng NFA ng 75,000 sako ng bigas sa piling millers at traders sa halagang P25 bawat kilo na hindi dumaan sa public bidding. Sobrang nalugi ang gobyerno sa nangyari. Naganap iyon habang ang mamamayan ay naghahanap ng murang bigas.
Agad ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsuspende sa 141 NFA officials at employees sa loob ng 90-araw na walang suweldo. Noong nakaraang linggo, pinabalik na ng Ombudsman ang 23 kawani ng NFA na unang sinuspende. Pinababalik din ang kanilang suweldo. Hindi naman nalaman ang kaso ng mga matataas na opisyal ng NFA na sangkot sa korapsiyon.
Hindi rin naman nabatid kung nagsagawa ng top to bottom na paglilinis sa NFA si Secretary Tiu-Laurel. Maaaring matagal nang ginagawa ang pagbebenta ng rice buffer stock sa murang halaga at ngayon na lamang nabuking.
Isang malaking pagkakamali ng DA kung ibabalik ang power sa NFA para mamahala sa pag-import ng bigas. Lalong maghihirap ang bansa kapag hinayaang magkaroon ng kapangyarihan ang NFA sa importasyon ng bigas.
Nakalulungkot naman na wala nang ginagawa ang pamahalaan kundi ang umangkat nang umangkat ng bigas. Nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang umaangkat ng bigas sa mundo. Hindi ba kinikilabutan ang DA sa ganitong balita? Naturingang agricultural na bansa ang Pilipinas pero numero uno sa pag-angkat ng bigas. Kailan kakain ang mga Pilipino ng kanin na inani sa sariling lupain?
- Latest