EDITORYAL - Maraming nasasayang na tubig
PABABA nang pababa ang level ng tubig sa Angat Dam. Noong Lunes, nasa 193.30 meters ang level nito. Ang normal na level ng Angat ay 212 meters. Sa dam na ito nanggagaling ang 90 percent na isinusuplay sa mga residente ng Metro Manila. Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga nararanasang pag-ulan sa hapon ay hindi nakadaragdag sa tubig ng dam.
Ngayong nahaharap ang bansa sa El Niño phenomenon, nararapat nang magkaroon ng paghahanda ang lahat. Unang-una nang dapat gawin ay ang pagtitipid sa tubig. Kapag nagpatuloy sa walang patumanggang pag-aaksaya sa tubig, mahaharap sa mas malaking krisis ang bansa. Maaaring dumating ang sandali na wala nang tutulo sa mga gripo dahil naaksaya nang todo.
Noong nakaraang linggo, nanawagan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na higpitan ang mga may-ari ng carwash, may mga swimming pools at golf courses sa paggamit ng tubig. Malakas umanong gumamit ng tubig ang mga nabanggit kaya nararapat higpitan. Sabi ng MWSS, nararapat lumikha ng ordinansa ang local government units (LGUs) para malimitahan ang paggamit ng tubig. Marami umanong nasasayang ng tubig ang negosyong carwash.
Sinabi naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mas maraming naaaksayang tubig sa mga tahanan. Ayon sa pagsisiyasat ng DILG, mas maraming naaaksayang tubig sa residential areas. Kung tutuusin daw, mas marami pang naaaksaya sa bawat bahay kumpara sa mga may negosyong carwash.
Kailangan nang magpatupad nang puspusang pagtitipid sa paggamit ng tubig upang hindi danasin ang grabeng kakapusan ng tubig. Kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa mga darating na araw, magsagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan.
Hikayatin din naman ang mga tanggapan ng pamahalaan na magtipid sa tubig. Maraming tanggapan na may mga leak ang gripo sa kanilang comfort room. Ipagpatuloy ng Maynilad at Manila Water ang pagkukumpuni sa mga sirang tubo. Maraming tubo ang may leak na madalas pa ay tinatamaan ng mga paghuhukay na ginagawa ng DPWH sa kanilang road repairs. Iprayoridad ang pagsasaayos sa mga tubo ng tubig para walang masayang.
- Latest