Ang kabayong ililibing sana sa balon
SA hindi malamang dahilan, nahulog ang matandang kabayo sa malalim at tuyong balon. Mangiyak-ngiyak ang matandang kabayo habang sinisikap niyang makaahon mula sa malalim na balon ngunit walang nangyari. Maya-maya ay nakita siya ng kanyang amo na magsasaka. Natuwa siya at nasa isip ay tutulungan siyang makaahon mula sa ilalim ng balon. Ngunit anong saklap nang marinig niya ang tinuran ng amo niyang magsasaka habang kinakausap ang mga kapitbahay.
“Mga kapitbahay, tulungan ninyo akong lagyan ng lupa ang tuyong balon. Babayaran ko kayo. Nahulog doon ang aking alagang kabayo. Mahirap na itong maiahon kaya naisipan kong tuluyan na itong tabunan ng lupa at ilibing sa balon. Tutal, matanda na ito at hindi ko na napapapakinabangan.”
Nangatal sa takot ang matandang kabayo sa narinig. Sa loob-loob niya, “Diyata’t ililibing ako nang buhay? Walanghiya rin ang aking amo! Pagkatapos akong pakinabangan ng ilang dekada ay basta na lang ako tatabunan ng lupa kahit humihinga pa. Walang awa…walanghiya siya. Hu-hu-hu…”
Naramdaman ng kabayo na tumatapon sa kanyang likod ang lupang inihuhulog ng mga tao sa balon. Sa bawat pagtama ng lupa sa kanyang likod, iwinawagwag (shake) niya ang kanyang katawan para ang lupa ay tumapon sa kanyang paanan. Ganoon ang kanyang ginagawa tuwing tatama ang lupa sa kanyang likod hanggang sa ang tinatapakang lupa ng kabayo ay pataas nang pataas.
Ilang oras ang lumipas, nagulat ang mga tao nang biglang nakaahon ang kabayo mula sa balon. Hindi nakakibo ang magsasaka nang tumakbo palabas ng kanyang bakuran ang kabayo at tuluyan nang lumayas sa kanyang poder.
Sa buhay ng tao, hindi maiiwasang maranasan nating “tapunan tayo ng lupa” na maihahalintulad sa mga sumusunod: tsismis, intriga, panlalait mula sa ibang tao. Sa halip na paapekto, ang trick lang diyan ay “iwagwag ang ating katawan” para mahulog ang lupang itinapon sa ating katawan. At ang itinapong lupa sa atin ay gawing stepping stone upang mapagtagumpayan nating maabot ang ating mga pangarap. Shake it off and take a step up.
- Latest