Niluma ng panahon
NAKAKAPUKAW ng lungkot minsan kapag naaalala natin ang mga bagay sa nagdaang panahon ng ating buhay na naglaho sa pagsulong ng ating lipunan hanggang sa kasalukuhan at maging sa hinaharap. Tulad halimbawa ng komiks na noong araw o dekada 50, 60, at 70 ay isa sa pangunahing libangan ng masang Pilipino. Hindi ito ‘yung komiks na puro cartoon strips o hinggil sa mga cartoon character ang mababasa, Ito iyong mga komiks na naglalaman ng serialized na nakadibuhong mga nobela na seryoso ang tema, pantasya, kababalaghan, katatawanan at pag-iibigan. Halimbawa ay ang mga komiks na Silangan, Aliwan, Pinoy Klasiks, Hiwaga, Pinoy Espesyal, at mga komiks ng mga kumpanyang Atlas at Graphics.
Nang panahong iyon, sa kasikatan ng mga komiks, isa ito sa na-ging instrumento para sa mga gustong matutong magbasa at magsalita ng tamanng wikang Pilipino. Komiks nga ang ipinapayo ng ilang eksperto sa mga dayuhan at iba pang nais matuto ng sarili nating wika. Dumaan nga lang ang mga taon na, dahil nagmamahal ang papel at tinta, hindi maiwasang tumaas nang unti-unti ang halaga ng komiks. Pero, dahil nga sa kasikatan ng komiks, maraming mangangalakal na Pilipino ang naging malikhain kung paano ito patuloy na tatangkilikin ng masa. Dumating ang panahon na naging normal na eksena sa mga bangketa sa bawat kanto halos sa mga kalunsuran at kabayanan ang mga newspaper and magazine stand at maging mga sari-sari store na nagpapaarkila ng komiks. Kahit mahahaba na ang inihahanda nilang mga bangko para sa mga gustong umarkila at magbasa, napupuno pa rin at meron pa ngang nagtitiyagang magbasa ng nakatayo o nakaupo sa bangketa para lang tunghayan ang susunod na kabanata ng inaaba-ngan nilang nobela sa komiks. Bukod diyan, sa tindi ng popularidad ng komiks, karamihan ng mga nobelang nalathala ay isinalin sa pelikula gaya ng Maruja, Darna, Captain Barbel, Dyesebel, Lastikman, Totoy Bato, Ang Panday, Bituing Walang Ningning, at iba pa.
Napansin ko rin noon na parang umaasa rin halos sa sirkulasyon ang mga komiks dahil wala silang gaanong advertisement. Siguro nga ay dahil sa parang hot cake silang mabenta masyado. Kaso nga, dahil na rin sa pagtaas ng halaga ng papel at tinta, lubhang naapektuhan ang kanilang operasyon. Nagpalubha pa sa sitwasyon ang paglabas ng ibang mas mauunlad o makabagong libangan tulad na lang ng sa mga video game, computer, internet at mobile phone o smart phone. Nagkaroon ng pagtatangkang buhayin ang industriya ng komiks pero parang walang nangyari. Isang kilalang komiks writer na naging direktor at prodyuser sa pelikula ang naglunsad ng bagong serye ng mga komiks pero tila limitado lang ang kanyang sirkulasyon at kadalasang sa mga book store lang nakikita. Kung maibabalik pa ang dating ningning ng komiks, ewan lang. Pero ang tiyak, naging malaking bahagi na rin siya ng kultura ng ating bansa.
(Anumang reaksiyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na [email protected])
- Latest