Altas sinibak ng Stags
MANILA, Philippines — Isinama ng San Sebastian College-Recoletos sa bakasyon ang University of Perpetual Help System DALTA matapos ang 83-72 panalo sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tumipa si Tristan Felebrico ng 18 points, 7 rebounds at 3 assists para ibigay sa Stags ang 5-11 record.
Nagdagdag si Regz Gubat ng 15 points habang may 14 at 12 markers sina Raymart Escobido at Paeng Are, ayon sa pagkakasunod.
Inilista ng Perpetual ang 11-point lead, 21-10, sa first period bago nakabawi ang San Sebastian at inagaw ang 29-25 bentahe patungo sa 41-31 halftime lead.
Lalo pa itong pinalobo ng Stags sa 54-35 mula sa three-point shot ni Are sa 5:10 minuto ng third quarter hanggang ibaon ang Altas sa final canto.
Samantala, pinalakas ng Emilio Aguinaldo College ang tsansa sa Final Four matapos talunin ang Arellano University, 69-59.
Umangat sa 8-8 ang baraha ng Generals, laglag naman ang Chiefs sa 6-10 marka.
- Latest