Eslapor, Orillaneda kinapos sa FIVB World Beach
MANILA, Philippines — Bigo sina Gen Eslapor at Kly Orillaneda na umabante sa FIVB Volleyball World Beach Pro Tour Futures na ginaganap sa Nuvali Sand Courts sa Santa Rosa, Laguna.
Lumasap ang Pinay duo ng masaklap na 18-21, 21-16, 12-15 kabiguan sa kamay nina Katie Sadlier at Meile Rose Green ng New Zealand para tuluyang maglaho ang kanilang tsansa.
Halos abot kamay na nina Eslapor at Orillaneda ang panalo subalit ilang krusyal na errors ang nagawa nito para sa huling sandali ng laro.
“It was mostly because of our errors. We gave them some crucial points and it’s disappointing because we knew we could pull it off, we just didn’t execute,” ani Orillaneda.
Umabante sa quarterfinals sina Sadlier at Green laban kina Chenoa Christ at Anna-Lena Grune ng Germany.
Hindi rin pinalad ang isa pang Pinay tandem na sina Alexa Polidario at Jenny Gaviola na umani ng 10-21, 7-21 kabiguan sa kamay nina Marija Karaliute at Urte Andriukaityte ng Lithuania.
Sa men’s division, talo rin sina AJ Pareja at Ran Abdilla kina Banlue Nakprakhong at Wichaya Wisetkan ng Thailand sa iskor na 12-21, 17-21.
- Latest