Tapales hahamunin ang Fulton-Inoue winner
MANILA, Philippines — Personal na hahamunin ni Filipino two-belt champion Marlon Tapales ang mananalo sa pagitan nina American Stephen Fulton at Japanese Naoya Inoue.
Hangad ni Tapales, nagdadala ng 37-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 knockouts, na maplantsa ang isang unification fight.
Sa nasabing laban ay itataya niya ang mga suot na World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) super bantamweight titles.
Nakamit ni Tapales ang WBA at IBF crowns noong Abril matapos talunin si Murodjon Akhmadaliev via split decision.
Hindi pinagbigyan ng WBA ang request ni Akhmadalievby para sa isang rematch kay Tapales at sa halip ay hinayaan ang Pinoy champion para sa isang voluntary title defense.
Inutusan ng WBA si Akhmadaliev na harapin si Tomoki Kameda para sa isang final eliminator na magdedetermina sa magiging mandatory challenger kay Tapales.
Idedepensa naman ni Fulton (21-0-0, 8 KOs) ang kanyang mga bitbit na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) super bantamweight belts laban kay Inoue (24-0-0, 21 KOs).
Magtutuos sina Fulton at Inoue sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.
- Latest