LVP pipiliting makuha ang tanso sa SEAG
MANILA, Philippines – Magiging masaya ang pamunuan ng bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) kung makakakuha ng bronze medal ang ipadadalang women’s team sa SEA Games sa Singapore.
Patok ang volleyball sa bansa pero aminado si POC 1st Vice President Joey Romasanta na mas mataas pa rin ang antas ng paglalaro ng Thailand at Vietnam na siya niyang nakikitang top teams pa rin sa SEA Games.
“Ang Indonesia ang number three team sa region pero tinatalo na natin sila. So happy na tayo kung maka-bronze medal tayo sa Singapore. Pero sa 2017, fighting for the gold na ang Pilipinas,” ani Romasanta.
Si Romasanta na naunang itinalaga ng POC na siyang mag-ayos sa problema sa volleyball sa bansa, ang siyang inaasahang mauupo bilang unang pangulo ng LVP. Ang eleksyon ay isasagawa sa Pebrero 15.
Sa Lunes ay pupulungin ni Romasanta ang mga itinalagang coaches na sina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar para tingnan ang talaan ng manlalaro na bubuo sa national team.
Walang nakikitang problema si Romasanta sa pagpili ng manlalaro kahit sinasabing ang iba pang mahuhusay na manlalaro na nasa panig ng sinibak na Philippine Volleyball Federation (PVF) ay hindi sasali.
Nakuha na rin ng LVP ang basbas ng international federation na FIVB at sinabing nagpaparamdam na ang major sponsor ng PVF na PLDT na handang makipag-usap sa bagong volleyball federation.
- Latest