UP buwenamano ang UE

MANILA, Philippines — Maagang napalaban ng todo ang University of the Philippines matapos ikahon ang mahirap na five sets win kontra University of the East, 25-18, 26-24, 24-26, 13-25, 15-13 sa simula ng 87th season ng University Athletic Association of the Philippines women’s volleyball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Sinandalan ng Lady Maroons sa opensa si Joan Marie Monares at sa clutch ay ang kanilang middle blockers na sina Nica Cellis at Niña Ytang upang ilista ang 1-0 karta ng koponan at hawakan agad ang tuktok ng team standings.
May tsansa sanang walisin ng Lady Maroons ang UE nang makalamang sila ng anim na puntos, 18-12 sa third set.
Pero hindi basta nagpadaig ang UE, gumapang sila upang makuha ang panalo sa extended set three at mapahaba ang kanilang hininga.
Muling nanilat ang Lady Warriors at nakuha nila ang panalo sa set four upang makahirit ng deciding fifth set.
Bakbakan ang dalawang koponan sa set 5, tabla ang iskor sa 13-all, dito kumana sina Celis at Ytang ng tig-isang puntos para selyuhan ang panalo ng UP.
Tumikada si Monares ng 17 points, may 15 at 12 markers naman ang inambag nina Lianne Louise Olango at Irah Anika Jaboneta, ayon sa pagkakasunod habang may 11 at dalawang puntos sina Ytang at Celis.
Pakay ng Fighting Maroons na itarak ang back-to-back wins pagharap nila sa Far Eastern University sa Miyerkules sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Sisikapin naman ng kulang sa armas na Lady Warriors na makabangon agad kontra University of Santo Tomas sa Sabado sa San Juan din.
- Latest