Sports Science Seminar buwenamano ng PSC
MANILA, Philippines - Bubuksan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang taong 2015 sa pamamagitan ng pagdaraos ng Sports Science Seminar sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang proyekto ay karugtong sa idinaos na mga sports science seminar mula 2013 at nakapagdaos na ng limang magkakaibang session gamit ang mga banyagang speakers para ipaliwanag sa mga national coaches at iba pang nais na matuto ng mga bagong sistema sa aspetong ito.
Magbabalik sa bansa si Terry Rowles at makakasama niya sa Series 6 at 7 si Dr. Scott Lynn at ito ay gagawin mula Enero 12 hanggang 14.
“Nakita ng PSC na nararapat na simulan ang taong 2015 sa pamamagitan ng sports seminars na ito lalo pa’t magsisimula uli ang pagsasanay ng mga atleta para sa mga kompetisyong sasalihan,” pahayag ni PSC chairman Ricardo Garcia.
“Ang mga matututunan sa seminars na ito ay makakatulong para lumalim ang kaalaman ng mga coaches na dadalo,” dagdag pa ni Garcia.
Si Lynn ay nagtapos ng BSc/BPHE,MSc at PhD (Biomechanics) degrees sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada at sumailalim pa sa post-doctoral fellowship sa University of Waterloo sa Waterloo, ON, Canada.
Isa na siyang associate professor sa Kinesiology sa California State University at nagsasagawa rin ng sariling research para palawigin ang kaalaman sa biomechanics.
Si Rowles ay dumating sa bansa noong Mayo at nakasama si Ali Gilbert sa seminar.
Isa siyang advisory board member ng Sports Performance University at may post graduate certificate sa Neuro Linguistic Programming na magagamit para sa mental toughness ng mga atleta. (AT)
- Latest