Patatagin ang kapit sa solong liderato misyon ng Lady Stags vs Altas sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Makuha ang kanilang ika-apat na sunod na panalo at lalo pang paigtingin ang kapit sa liderato ang misyon ng San Sebastian habang hangad naman ng Perpetual Help na makabawi sa dalawang sunod na kabiguan ngayong araw sa kanilang duwelo sa Shakey’s V-League.
Galing sa impresibong tagumpay laban sa Ateneo noong Huwebes, tatangkain ng Lady Stags na makalayo sa standings at ipalasap sa Lady Altas ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan sa pagbabalik-aksyon ng premyadong volleyball league ng bansa sa ganap na alas-2 ng hapon sa The Arena sa San Juan.
Tinalo ng San Sebastian ang noo’y kasalo nila sa unahan na Ateneo sa loob lamang ng tatlong sets, 5-22, 25-17, 26-24 sa pangunguna ni Thai import Jeng Bualee habang nanggaling naman ang Perpetual sa kanilang ikalawang dikit na talo noon ding Huwebes laban sa NU sa loob ng tatlong sets, 14-25, 20-25 at 22-25.
Sa pag-aasam sa kanilang ika-apat na tagumpay, muling sasandig ang tropa ni coach Roger Gorayeb kina guest players Jeng Bualee at Suzanee Roces at kina mainstays Jennelyn Belen, Melissa Mirasol, Joy Benito at Elaine Cruz.
Ang Miguel Rafael-mentored Perpetual naman na nagnanais makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan ay muling pangungunahan ni guest player Nica Guliman at nila mainstays Ronnery Dela Cruz, Sandra Delos Santos at April Santin.
Kasalukuyang may 3-0 win-loss card ang San Sebastian habang ang Perpetual ay mayroong 1-2 kartada.
Sa alas-4 laro naman, pawang nais makabangon mula sa kabiguan ang pakay ng St. Benilde at Lyceum.
Tampok naman sa main event sa alas-6 ng gabi ang banggaan ng Adamson at Far Eastern University.
Ikatlong sunod na panalo ang tangka ng Lady Falcons matapos ang 0-1 panimula habang ikalawang dikit na tagumpay naman ang asam ng Lady Tamaraws na sumampa sa win column ng kanilang talunin ang CSB noong nakaraang linggo.
- Latest
- Trending