Pagtuturo ng mga guro ‘di dapat lagpas sa 6 oras – DepEd
MANILA, Philippines — Hindi kinakailangan ng mga public school teachers na magturo ng higit sa anim na oras kada araw.
Ito ang nakasaad sa Implementation Guidelines for the Rationalization of Teachers’ Workload in Public Schools and Compensation for Teaching Overload na inilabas ng Department of Education (DepEd), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang kapakanan ng mga Filipino educators.
Batay sa DepEd Memorandum No. 053, s. 2024, na nilagdaan ni DepEd Secretary Sonny Angara, ang mga guro ay hindi required na magturo ng higit sa anim na oras kada araw, alinsunod na rin sa Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act No. 4670.
Sakali naman umanong lumampas ang pagtuturo ng guro sa 6-hour limit, sila ay eligible para sa “overload pay” na hanggang karagdagang dalawang oras kada araw.
Kung mas kakaunti naman sa anim na oras ang ipagtuturo ng mga guro, maaari umano silang italaga sa mga teaching-related tasks, na proportionate sa oras nilang available.
Tiniyak naman ng DepEd na ang mga gurong magtatrabaho ng lampas sa kanilang regular na six-hour load ay mabibigyan ng Vacation Service Credits (VSC).
Samantala, ang mga guro ay magkakaroon ng flexibility sa pagkumpleto ng kanilang ancillary tasks, ay dapat na may opsiyon na isagawa ito sa loob o sa labas ng paaralan.
Hindi na rin umano magpapatupad pa ng karagdagang reporting requirements at sa halip ay maaaring i-track na lamang ng mga guro ang kanilang mga aktibidad, gamit ang mga logbooks, locator slips, o certificates of undertaking.
- Latest