Malabon LGU, nakamit 2nd SGLG
MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pagsisikap at dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyo para sa mga Malabueño, nakamit ng pamahalaang lungsod ng Malabon ang ikalawang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2024.
“Ang ikalawang SGLG na ito sa ating termino ang nagpapatunay na hindi tayo tumitigil sa pagbuo pagbibigay ng dekalidad na programa at serbisyo para sa ating mga kapwa Malabueño” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Kasama sina DILG-Malabon Director Jess Marie Acoba, City Administrator Dr. Alexander Rosete, at City Planning and Development Department Officer-in-Charge Ms. Shela Cabrera, dinaluhan ni Sandoval ang Seal of Good Local Governance 2024 Awarding Ceremony sa Manila Hotel noong Disyembre 9.
Ang SGLG ay pagkilala para sa mabuting pamamahala ng mga lokal na pamahalaan na nagtataguyod ng mga halaga ng integridad at kahusayan sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.
Nagpasalamat din si Sandoval kay Interior and Local Government Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla, sa pagkilala sa lungsod ng Malabon na nagbibigay ng totoong serbisyo sa publiko.
Ayon naman kay City Administrator Dr. Alex Rosete, ang tagumpay ng Malabon ay resulta ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga programa para sa ikauunlad ng bawat Malabueño.
“Kami sa pamahalaang lungsod ng Malabon ay magpapatuloy sa pagbibigay ng napapanahon at dekalidad na mga programa tungo sa patuloy na pag-unlad,” ani Rosete.
- Latest