‘Nahuli’ ba o ‘naaresto’ si Zaldy Co?
Maraming tao ang naguguluhan kung may pagkakaiba ba ang salitang “nahuli” sa “naaresto” tungkol sa nangyari kay dating Cong. Zaldy Co.
Lumabas ang salitang naaresto nang ibalita mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Abril 16 na si Co ay naaresto sa Czech Republic at nasa kanila ng kustodiya matapos itong pumasok sa nasabing bansa nang walang kaukulang dokumento.
Ikinatuwa ng marami ang pagkakaaresto kay Co dahil sa posibleng ikakanta nito ang mga sangkot sa flood control projects scam at mga kongresista na nakatanggap ng maletang pera.
Kaya naman sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sa loob ng tatlong linggo ay maaari nang maibalik sa bansa si Co na nasa kustodiya ng Czech authorities.
Pero tatlong linggo na ang nakalipas ay walang Co na pababalikin sa bansa dahil hindi naman talaga ito naaresto.
Agad rin sinangga ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi nagkamali si Pangulong Bongbong Marcos sa pag-uulat na “nahuli” na ang puganteng si Co sa Czech Republic.
Kanyang nilinaw na ang salitang “nahuli” ay isang general term na maaaring mangahulugang napahinto o na-prevent sa pagkilos ang isang indibidwal.
Binigyang-diin niya na hindi kailanman nanggaling sa bibig ng Pangulo ang teknikal na salitang “aresto” kasunod ng naging paglilinaw din ng DOJ na nasa ilalim ng “immigration custody” si Co dahil sa mga problema sa dokumentasyon at kanseladong pasaporte at hindi dahil sa isang formal criminal arrest sa naturang bansa.
Tinawag naman ni Davao City Rep. Pulong Duterte na “malinaw na pagtatakip” ang pagdepensa ng Malacañang sa pahayag ni Pangulong Marcos kaugnay ng pagkakahuli kay Co.
Lumalabas na ngayon kapag ‘nahuli,’ hindi na ‘aresto’ at kapag ‘nakulong,’ ang sasabihin ay ‘nagpahinga lang sa loob’ at kapag pagnanakaw ay paghihiram lang.
Kinumpirma ni Justice Secretary Fredderick Vida nitong Martes na wala na sa kustodiya ng mga otoridad ng Czech Republic si Co.
- Latest


















