EDITORYAL — Anino ng hazing
HINDI na simpleng trahedya lamang ang pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity ng Ateneo men’s basketball team sa Aurora. Ngayong naghain na ng reklamong anti-hazing ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa Ateneo coach na si Tab Baldwin at iba pa, mas mabigat na tanong ang kailangang sagutin: kailan nagiging panganib, pang-aabuso, o hazing ang tinatawag na training at team building?
Mahalagang idiin na reklamo pa lamang ito at kailangang dumaan sa tamang proseso. Hindi dapat mauna ang hatol sa social media. Ngunit hindi rin dapat gamitin ang due process para palabuin ang usapin. Dalawang estudyante ang namatay. Dalawang pamilyang naghahanap ng malinaw na paliwanag ang naiwan. Hindi sapat ang apology, katahimikan, o pangakong “aalamin ang katotohanan.” Kailangang may malinaw na pananagutan.
Ayon sa mga ulat, bahagi ng aktibidad ang matinding physical exercises at seawater training sa lugar na may panganib ng alon at rip current. Iginiit naman ng pamilya ni Adili na dapat may life jackets, professional divers, medical team at malinaw na safety measures. Ang tanong: bakit isinagawa ang aktibidad sa dagat kung hindi tiyak ang proteksiyon ng lahat?
Dito pumapasok ang mas malawak na usapin. Madalas nating tingnan ang hazing bilang bugbog, palo, o fraternity initiation. Pero sa ilalim ng batas, maaaring pumasok sa hazing ang sapilitang physical activity, exposure sa delikadong kondisyon, o aktibidad na may kaugnayan sa pagpasok o pananatili sa isang organisasyon. Kung mapatutunayang ang activity ay bahagi ng pagpili kung sino ang makakasama sa final roster, hindi na ito basta team building. Maaari itong maging pagsubok sa katawan ng mga batang umaasang manatili sa koponan.
Hindi rin dapat kalimutan na student-athletes muna sila bago atleta. May pangarap, pamilya, scholarship, pressure sa coaches, at takot na mawalan ng puwesto. Tanong: Gaano ba kalaya ang isang player na tumanggi sa delikadong aktibidad?
Kaya tama lamang na kumilos ang mga awtoridad. Pero hindi dapat matapos sa imbestigasyon. Kailangang repasuhin ang lahat ng off-campus training at team-building activities ng mga paaralan: may risk assessment ba, medical clearance, lifeguards, emergency plan, written approval, at malinaw na karapatan ang atleta na tumanggi?
Matagal nang may batas laban sa hazing, ngunit paulit-ulit pa rin ang trahedya dahil madalas nag-iiba lang ang pangalan nito: initiation, hell night, tradition, discipline, bonding, o training. Ang tunay na disiplina ay hindi sinusukat sa kung sino ang kayang tiisin ang panganib. Nasusukat ito sa tapang ng institusyon na pigilan ang mali bago may mamatay. Hindi dapat na ang pangarap na maging atleta ay buhay ang kapalit.
- Latest















