Malasakit na higit sa serbisyo
Personal na nagtungo si MVP group Chairman Manuel V. Pangilinan (MVP) sa kanyang hometown sa Apalit, Pampanga kamakailan upang maghatid ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng Habagat.
Namahagi si MVP ng relief packs sa mga pamilyang pansamantalang lumikas dahil sa baha. Kasama ang MVP Tulong Kapatid at One Meralco Foundation na naghatid din ng karagdagang tulong para sa iba pang nangangailangang residente ng Apalit.
Ngunit higit pa sa mga relief pack ang mahalagang mensahe ng pagbisitang ito. Ipinakita nito ang malasakit na isa sa pagpapahalagang matagal nang bahagi ng kultura ng MVP group.
Nakita ko rin ito sa Balik Eskwela program ng One Meralco Foundation sa San Juan City. Mahigit 300 mag-aaral ng Salapan Integrated School ang nabigyan ng school supplies at reading book upang makatulong sa kanilang pag-aaral. Nakiisa rin dito ang aming mga empleyado bilang volunteers.
Pagbangon mula sa kalamidad sa Pampanga hanggang sa pagsuporta sa edukasyon ng mga bata sa San Juan, iisa ang prinsipyong gumagabay sa lahat ng programang ito.
Hindi lamang naipapakita sa sakuna ang malasakit. Hindi rin ito natatapos sa isang relief operation, donasyon, o outreach program. Mas nagiging makabuluhan ito kapag bahagi dapat ito ng ating paglilingkod.
Sa Meralco naman, hangad naming maipakita ang malasakit hindi lamang sa pagbibigay ng liwanag sa mga tahanan, kundi pati sa pagtulong na magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan ang mga komunidad dahil iyan ang aming dakilang tungkulin.
Bago ako magtapos nais kong pasalamatan ang Pangulo ng Philippine Star si Mr. Miguel Belmonte sa pagkakataon maging parte ng Pilipino Star Ngayon. Sisikapin ko na makapagsulat ng mga bagay na magiging kapaki-pakinabang sa mga nagbabasa ng aking kolum.
- Latest
















