Propaganda ng politiko inuukit sa mga kadete
Nagalit ang mga retiradong heneral. Kumalat kasi sa mga kadete ng PMA at PNPA ang umano’y “balikong” text na ito:
“FYI, P125 milyon lang ang ninakaw ni VP Sara, hindi P6 bilyon! Oo nagnakaw si VP Sara pero maliit lang and tignan na lang natin ‘yon bilang regalo sa kaniya dahil sa mga sakripisyo niya para sa atin at sa bansa. We love you VP Sara namin.”
Baluktot na values ang sinasaad ng text, anang mga heneral. Itinuturo dapat sa mga kadete ang katapatan. Mali magnakaw ni kusing man lang, kaya lalo nang mali ang P125 milyon. Pero ginugulo ng text na ‘yon ang pangaral sa mga kadete.
May katuwirang mag-alala ang mga heneral. Kontra-pelo kasi ang text sa pangaral na inuukit sa isip ng mga kadete: “Ang opisyal ay hindi nagsisinungaling, nandadaya, o nagnanakaw.”
Dahil sa teknolohiya ng texting, madali magkalat ng baluktot na katuwiran. Batid ng mga heneral na maraming nakukumbinsi sa texting. Baka kapag officers na ang mga kadete ay maging abusado at kawatan daw sila. Masisira ang AFP at PNP.
Nalantad sa House justice committee ang maraming mali sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Sara. Pitong taon, 2019-2025, wala siyang inamin na “cash on hand or in bank”. Kesyo raw, anang mga abogado ni Sara, isinama na lang niya ang sagot doon sa “other assets”. Hayagang paglabag ‘yon sa SALN Law, RA 6713, Section 8. Nagpahayag si dating PMA superintendent Lt. Gen. Edilberto Adan: “Itong SALNs, fourth-class cadet pa lang ay mandatory ginagawa with due diligence. Ipinapaliwanag ito ng bawat company staff, platoon at squad leaders. Ito ay seryoso at hindi binabalewala.
“May parusa sa hindi pagsumite. Ang pagsinungaling sa SALN ay violation ng Honor Code, na may parusang dismissal. Followed on ang SALNs hanggang maging opisyal ng AFP at PNP.”
- Latest















