Awat na sa maalat
Mahilig ka ba sa maaalat na pagkain? Ang sobrang asin sa pagkain ay nakakataas ng blood pressure.
Ang pagbawas naman ng asin sa diet ay nakakababa ng blood pressure.
Dapat sana ay isang kutsaritang asin lang o mas konti pa ang makain ng isang tao bawat araw. Mas konti pa rito para sa mga batang maliliit. Ang isang kutsaritang asin ay mga 6 grams ng sodium chloride, at ito ay naglalaman ng 2.4 grams ng sodium.
Paano mababawasan ang asin sa ating pagkain?
1. Tanggalin ang asin, patis, toyo at bagoong sa hapag kainan. Sinasabi ko sa mga pasyente na puwedeng gamitin ang mga ito sa pagluluto para magkalasa ang pagkain pero pagdating sa mesa ay huwag nang dagdagan pa. Kung kaya, puwede ring gumamit ng herbs, kalamansi, o suka sa pagluluto.
2. Kumain ng sariwang isda kesa mga isdang tinuyo o dinaing. Kumain din ng sariwang karne imbes na ham o bacon.
3. Umiwas sa mga canned goods dahil maaalat din ang mga ito.
4. Umiwas sa pagkain ng mga chips at instant noodles dahil marami rin itong sodium.
5. Magbasa ng nutrition label. Low salt na maituturing kung 0.3 g salt o 0.1 g sodium o mas mababa pa ang laman sa bawat 100 g ng pagkain.
* * *
Blood pressure
Ang blood pressure na lampas 140 over 90 ay maaring altapresyon na. Ngunit kapag pagod, nagalit o nag-eehersisyo, tataas din ang inyong presyon pero hindi ibig sabihin, high blood na.
Dapat ang pagkuha ng blood pressure ay kung kayo’y nakapahinga na, walang ginagawa at relaks na relaks.
Ang normal na blood pressure ay mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay 120 over 80. Kung mas mababa pa rito ay okay din.
Pero siyempre, ayaw nating sobrang baba ang inyong presyon (mas mababa pa sa 90 over 60) dahil baka senyales din ito ng mahinang puso.
Bakit nagkaka-altapresyon?
Dalawa ang pinanggagalingan ng altapresyon.
Una, namana ninyo ito sa mga magulang.
Pangalawa, nakuha n’yo ito sa maling pamumuhay tulad ng paninigarilyo, pagiging lampas sa timbang, pagkain ng sobrang alat at matataba at kulang sa ehersisyo.
Mayroon pang ibang mga dahilan na puwedeng magpataas ng inyong presyon gaya ng pagpupuyat, kulang sa tulog, laging nagagalit, sobrang init ng panahon, at sakit sa bato.
Walang sintomas ang altapresyon. Kadalasan, walang nararamdaman ang taong may high blood. Kaya nga tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanganganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pang nararamdaman. Nakakatakot ‘di ba?
Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas, tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo. Masasabi kong mapalad ang taong may sintomas dahil mas maaga silang nakapagpapa-checkup sa doktor.
Ang mga kumplikasyon ng high blood ay stroke, pagkabulag, sakit sa bato at atake sa puso.
Magpatingin agad sa doktor kapag ang inyong blood pressure ay lampas 140 over 90 para mabigyan agad ng lunas.
- Latest